Filtered By: Topstories
News

OIC nasa bansa para sa pagrepaso ng 1996 peace deal


Nasa bansa ngayon ang kinatawan ng Organization of Islamic Conference (OIC) upang plantsahin ang ginagawang pagrepaso sa implementasyon ng 1996 Final Peace Agreement sa pagitan ng pamahalaan at Moro National Liberation Front.
 
Ito ay sa kabila naman ng usapang-pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
 
Taong 1996 nang pirmahan ng MNLF at pamahalaan, sa pangunguna noon ni Pangulong Fidel Ramos, ang kasunduang pangkapayapaan. Taong 2014 naman nagkapirmahan ng hiwalay na kasunduan ang MILF at pamahalaan, sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.
 
Ayon kay Ambassador Sayyed Kasem El-Masry, ang OIC Special Envoy for the Peace Process in the Southern Philippines, kailangan masigurong tumupad ang gobyerno sa mga kasunduang pangkapayapaan sa MILF at MNLF.
 
"We should not lose the gains. Everybody should be on board. We should not leave the MNLF behind," ani El-Masry.
 
Dagdag pa ni El Masry, sinisikap nilang pag-isahin ang mga nagawa ng MNLF at MILF sa usapang pangkapayapaan.
 
"The Final Peace Agreement was not fully implemented, we want the tripartite review process to be concluded to make sure the other side is accomodated," ani El Masry.
 
Inulit rin ng OIC na inaasahan nitong ang matutupad ang pangako ng pamahalaan na maipapasa ang isang hindi pinalabnaw na bersyon ng Bangsamoro Basic Law na nakabinbin ngayon sa Kongreso.
 
Ayon kay Office of the Presidential Peace Adviser Undersecretary Jose Lorena, laman ng orihinal na BBL ang 42 consesus poinst ng MNLF at ng gobyerno, kabilang dito ang pagbubuo ng special regional security force na Bangsamoro Police Commission sa orihinal na BBL.
 
Ang suporta raw na ipinapakita ng OIC sa usapang pangkapayapaan sa MILF ay pagpapakita na dapat maipasa ang isang undiluted version ng BBL.
 
"It bolsters our position that the law should not be diluted because this will bring the two [fronts] together," ani Lorena.
 
Sabi pa ni El-Masry, inatasan na nila ang MNLF na magkaroon ng iisang posisyon sa kabila ng pagkakaroon ng maraming paksyon sa grupo.
 
Ayon kay El-Masry, itinalaga nila si Randolph Parcacio bilang tagapagsalita ng MNLF.
 
"We have now asked them to agree on a unified delegation representing all the factions of the MNLF," ani El-Masry.
 
Ayaw magbigay ng opinyon ang MNLF sa BBL at sa usapang pangkapayapaan sa MILF dahil ganoon din daw ang posisyon ng MILF sa 1996 peace agreement noon.
 
Pero nang tanungin ng media si Parcacio kung posible bang pagkaisahin ang posisyon ng MNLF at MILF ayon sa kahilingan ng OIC, ang tugon ni Parcacio: "Nothings is impossible when it comes to peace."
 
Ang pag-uusap ngayon ay bilang paghahanda sa opisyal na tripartite review kung naipatupad nga ba ang 1996 Final Peace Agreement sa MNLF na maaring gawin sa darating na Nobyembre. —ALG, GMA News