WIKApedia, nilikha para maging gabay sa tamang gamit ng wikang Filipino
Upang magabayan ang publiko sa tamang gamit ng wikang Filipino, pinalawak pa ng isang sangay ng pamahalaan ang nilikha nilang WIKApedia na unang nakita sa social media, at ngayon ay ginawa na ring e-booklet.
Unang nasilayan ang WIKApedia sa Facebook na naglalaman ng kalipunan ng mga aralin at paglilinaw hinggil sa wikang Filipino. Kabilang dito ang tamang baybay ng mga salita, tamang gamit ng mga salita, tamang kahulugan at marami pang iba.
Ang WIKApedia ay pinatatakbo ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) ng Palasyo, sa pakikipagtulungan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Malaking tulong ang WIKApedia lalo na sa mga may katanungan kaugnay sa wikang pambansa, na patuloy na yumayabong sa paglipas ng panahon.
Alam ba ninyo na mayroon nang kahulugan sa wikang Filipino ng salitang Ingles na "email" at ang "browser."
"E-mail kasi nga 'sulat na elektroniko,' ginawa na lang na isang salita, 'sulatroniko,'" paliwanag ni Tyron Casumpang, writer/editor ng WIKApedia, sa ulat ng GMA News TV's SONA nitong Biyernes.
Samantala, ang salitang "browser" naman ay binigyan ng kahulugan sa wikang Filipino bilang "panginain."
Nakapaloob din sa WIKApedia ang madalas na itinatanong kung kailan dapat gamitin ang salitang "nang" na mahaba at "ng" na maigsi.
Malalaman din dito kung papaano gamitin ang "rin," "din," "daw,""raw," at marami pang iba.
At dahil Buwan ng Wika ang Agosto, mas pinaigting ng PCDSPO at KWF ang kanilang kampanya para sa pagpapayabong ng wikang Filipino.
Isa na rito ang paggawa ng e-booklet ng WIKApedia na maaaring i-download nang libre.
Plano rin nila na maglimbag ng WIKApedia booklet para maipamigay sa mga pampublikong paaralan at state universities.
"Kabataan talaga ang gusto naming abutin dito," ayon kay Casumpang. "Una, hindi nakakatakot na mag-aral ng Filipino kasi wika naman natin ito." -- FRJ, GMA News