Filtered By: Topstories
News

Regulasyon sa implementasyon ng Cybercrime Prevention law, gawa na


Inaprubahan na ng Department of Justice (DOJ) at Department of Science and Technology (DOST) nitong Miyerkules ang Implementing Rules and Regulations (IRR) na magiging panuntunan sa pagpapatupad ng Republic Act 10175, na mas kilala bilang Cybercrime Prevention Act.

Kabilang sa mga kasong saklaw ng nabanggit na batas ay scam-related offense, cyber libel, voyeurism, at identity theft.




Ang IRR ay pinirmahan nina DOJ Secretary Leila De Lima at DOST Secretary Mario Montejo na magsisilbing user's manual sa mga magrereklamo, abogado at alagad ng batas.

Napirmahan ang IRR halos tatlong taon makaraang lagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang RA 10175 noong Setyembre 2012, at mahigit isang taon matapos pagtibayan ng Korte Suprema ang legalidad ng batas laban sa Internet crime.

Una rito, naantala ang pagpapatupad ng naturang batas matapos magpalabas ng temporary restraining order ang SC nang may kumuwestiyon sa ligalidad nito.

Magkakabisa ang IRR pagkaraan ng 15 araw matapos itong mailabas sa publikasyon sa "at least two (2) newspapers of general circulation," bago magkabisa.

Naniniwala si De Lima na makatutulong ang IRR sa paglaban sa cyber crime sa bansa.

Tiniyak naman ni DILG Undersecretary for Operations Edwin Enrile, na nasolusyon na rin ang posibleng pag-overlaps ng mga ahensiya ng gobyerno sa pagpapatupad ng IRR.

Ayon sa Philippine National Police, noong 2014 ay may naitalang 614 Cybercrime-related cases. Kabilang dito ang scam-related (22 percent),  cyber libel (16 percent), voyeurism (11 percent), at identity theft (9 percent).

Ayon kay Justice Assistant Secretary Geronimo Sy, pinuno ng Office for Cybercrime ng DOJ, ginawa ang pagresolba sa posibleng overlaps ng mga ahensiya ng gobyerno para maging mabilis ang pagtugon ng mga awtoridad sa cyber crime.

"Ang cyber crime importantly dapat mabilis. Iyong ebidensya ngayon, mamaya wala na. Hindi tulad ng baril or bolo na nandiyan lang, may dugo. Dito wala eh, walang traces. Mabilis dapat yung law enforcement as a team," ani Sy.

Dahil limitado ang pondo sa pagpapatupad ng batas, sinabi rin ni Sy na may mga kaso na dapat na bigyan ng prayoridad.

"Nananawagan ho tayo when they report crimes sana iyong talagang apektado (ang marami). Hindi iyong away-boyfriend/girlfriend, away-pamilya because resources are very limited," paliwanag ng opisyal.

Kabilang naman sa mga dapat daw bigyan ng prayoridad ay mga kasong may kaugnayan sa mga sindikatong nang-aabuso ng mga kababaihan at kabataan gamit ang Internet.

Tututukan din umano ang mga nanloloko sa Internet para magkapera tulad ng "Internet budol-budol."

"Yung ngayon ang mga kriminal, bakit magpi-pickpocket? Mabubugbog ka pa! Ngayon, online, nakaupo ka lang, nakanakaw ka na ng password. You're in the safety of your home. Wala kang pagod eh," patuloy ni Sy.

Isusunod umano ng gobyerno ang paggawa ng "Investigation Manual," na naglalaman ng patakaran sa pagbibigay ng impormasyon sa international law enforcement agencies tulad ng International Criminal Police at European Criminal Police kaugnay ng tinutukang cyber crime.
 
Nanindigan si Sy sa posisyon ng DOJ na hindi dapat isinama ang cyber libel sa RA 10175.
 
"But since nandyan na, we'll have to move forward with it," aniya. — FRJ, GMA News

Tags: cybercrime