3 pulis na sangkot sa EDSA hulidap, suspek naman sa pag-ambush 2 lalaki sa Laguna
Tatlong pulis na sangkot umano sa EDSA hulidap noong 2014 ang idinadawit naman ngayon sa pananambang at pagpatay sa isang dating lider umano ng isang kidnap-for-ransom group at sa drayber nito sa Calamba city, Laguna.
Basahin: Suspect in EDSA ‘hulidap’ case eyeing settlement –report
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Miyerkules, ipinakita ang kuha ng closed-circuit-television camera ng isang convenient store kung saan nakunan ng video ang magkasunod na pagparada ng isang kotse at motorsiklo sa tapat ng tindahan nitong Martes ng hapon.
Makalipas ng dalawang oras, nag-iba ng puwesto ang dalawang sasakyan. Pagsapit ng 7:30 p.m., napadaan sa tapat ng tindahan ang isang puting luxury car na naipit sa trapiko.
Hindi nagtagal, binagbabaril ng mga nakasakay sa naunang pumaradang kotse ang mga nakasakay sa luxury car.
Napatay sa pamamaril ang dati umanong kilalang lider ng isang kidnap-for-ransom group na si Rolly Fajardo, at kaniyang drayber.
Ayon sa pulisya, planado ang pananambang at matataas na kalibre ng baril ang ginamit ng mga suspek.
Sa tulong ng cctv at ilang testigo, kinilala ang tatlo sa mga suspek na sina Marco Polo Estrera, Jerome Datuinginoo, at Mark de Paz, umano'y mga pulis na nasangkot sa kontrobersiyal na hulidap sa Edsa noong nakaraang taon.
Humihingi naman ng hustiya ang pamilya ni Fajardo, habang patuloy na tinutugis ang mga suspek. -- FRJ, GMA News