Preso sa Cebu, nagnakaw ng mga barya sa kulungan para may pang-birthday
Kahit nasa loob ng kulungan, hindi pa rin nakapagpigil na gumawa ng krimen ang apat na preso sa Cebu. Ninakaw nila ang mga barya sa isang video game machine na nasa loob ng kulungan para daw may ipanghanda sa birthday ng isa sa mga suspek.
Ayon sa ulat ni Alan Domingo ng GMA- Cebu sa Balita Pilipinas nitong Miyerkules, sa bartolina magdiriwang ng kaarawan si Dixon Oli at ang tatlo pa niyang kapwa bilanggo sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center matapos mabisto ang ginawa nilang pagsira sa kaha ng video game machine upang makuha ang mga barya nito.
Si Oli umano ang nagnanakaw ng mga barya sa video game machine na nasa loob ng kulungan habang nagsilbing look-out ang tatlo pang bilanggo.
Aabot daw sa P1,000.00 barya ang natangay sana ng grupo ni Oli kung hindi nabisto ang kanilang ginawang pagnanakaw.
Inamin umano ni Oli ang krimen pero natukso lang daw siyang gawin ang pagnanakaw sa mga barya para maipagdiwang niya ng kaniyang kaarawan.
Ayon sa pamunuan ng kulungan, naglagay sila ng tatlong video game machines sa loob ng bilangguan para may paglibangan ang mga preso.
Pero dahil sa pangyayari, nagpasya silang ipinatigil na ang operasyon ng mga video game machine.
Samantala, tatlong pulis naman kabilang ang isang opisyal ang iniimbestigahan matapos mapasok ng magnanakaw ang isang tindahan na nasa loob mismo ng Cebu Provincial Police Office.
Ayon sa hepe ng PNP-Cebu, maituturing na malaking kapabayaan sa seguridad ang nangyari kahit nagkakahalaga lang ng P83 ang nawalang paninda na mga inumin.
Kung nagawa raw kasi ito sa mismong himpilan ng pulisya, paano pa raw mababantayan ng mga awtoridad ang mga komunidad.
Isang lalaki na hinihinalang nasa likod ng pagnanakaw sa tindahan ang naaresto pero pinalaya rin kaagad. -- FRJ, GMA News