Munti-Cavite expressway, binuksan na ni PNoy
Binuksan na ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Biyernes at maaari nang madaanan ng mga motorista ang Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX), ang kauna-unahang Public-Private Partnership road project na natapos sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Sa loob ng isang buwan mula ngayong Biyernes, hindi muna sisingilin ng toll ang mga motorista na dadaan sa apat na kilometrong expressway nagkokonekta sa Daang Hari Road at South Luzon Expressway o SLEX.
Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali, sinabing tinatayang 45 minuto ang mababawas sa biyahe mula Cavite papuntang Metro Manila dahil sa bagong expressway.
Kasama sa ginanap na pagpapasinaya ng proeykto sina Ayala Corporation chairman and CEO Jaime Augusto Zobel de Ayala, dating Senador Manny Villar, Las Pinas Rep. Mark Villar, Muntinglupa Rep. Rodolfo Biazon at Muntinglupa mayor Jaime Fresnedi.
Tinatayang P2.2 bilyon ang halaga ng proyekto at 30 taon itong pamamahalaan at imimintine ng Ayala Corporation.
Nagkakahalaga ang toll rate sa paggamit ng MCX ng P17 sa class 1 vehicle; P34 sa class 2; at P51 sa class 3. -- FRJ, GMA News