Ilang bayan sa Pangasinan, napinsala ng pagbaha at ipo-ipo
Ilang bahay ang nasira ng ipo-ipo, habang napinsala naman ng pagbaha ang mga bukurin at palaisdaan sa ilang bayan sa Pangasinan.
Sa bakuran ni Josephine Visperas sa Bolinao, makikita pa ang malalaking puno na pinabagsak ng malakas na hangin na may kasamang pag-ulan noong Linggo.
Nanalasa rin ang ipo-ipo sa barangay Camagsingalan sa Sual at nasa 30 kabahayan ang napinsala.
"Parang tunog ng malaking trak," paglalarawan ni Josephine sa ipo-ipo. Laking pasalamat na lang daw niya na hindi napuruhan ng malakas na hangin ang kaniyang bahay.
Sa bayan ng Bani na una nang sinailalim sa state of calamity, umapaw ang mga palaisdaan at nakawala ang mga alaga nilang bangus at hipon.
Nalubog din sa baha ang may 90 porsiyento ng mga bukirin.
Sa barangay Banog Norte, na maraming bukirin at palaisdaan, doble and dagok ang dala ng flash flood dulot ng halos dawalang linggong tuloy-tuloy na pag-ulan sa probinsya.
May mga landslide din na naitala sa Bolinao, at may bahagi ng national highway ang nasira.
Sa bayan ng Mangaldan, isang binata ang pumanaw dahil sa leptospirosis. -- FRJ, GMA News