Inaanak, patay sa pananaga ni ninong; 2 tiyuhin, patay din
Nauwi sa malagin na krimen ang masayang inuman sa Iloilo matapos mapatay sa taga ng isang lalaki ang kaniyang inaanak at dalawa nitong tiyuhin.
Sa ulat ni Julius Belacaol ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas nitong Martes, kinilala ang nasawing magkapatid na sina Richard at Lyndon Francisco, at ang kanilang pamangkin na si Arnel Lorido, Jr.
Sumuko naman sa pulisya isang araw matapos ang krimen ang suspek na si Lordy Copita.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nag-inuman ang mga biktima at suspek sa bahay ng huli sa brgy. San Lucas, Barotac Viejo, Iloilo.
Pero habang nag-iinuman, nagtalo-talo umano ang magkakamag-anak na biktima na hindi ikinatuwa ni Copita.
Pinagalitan umano ng suspek at pinaalis ang tatlong biktima dahil sa ginawang pambabastos umano sa kaniyang bahay.
Ngunit nang umalis umano ang mga biktima, nagbanta ang raw mga ito na babalikan nila si Copita, bagay na lalong ikinagalit ng suspek.
Armado ng itak, hinabol ng suspek ang mga biktima at pinagtataga sa kalsada hanggang sa mapatay.
Pare-parehong nagtamo ang mga biktima ng mga sugat sa ulo at leeg.
Kaagad na binawian ng buhay sina Richard at Arnel habang sa ospital na binawian ng buhay si Lyndon.
Hindi naman matanggap ng mga kaanak ng mga biktima ang sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay, lalo pa't inaanak ng suspek ang isa sa mga biktima.
Sumuko naman sa pulisya ang suspek at nakuha rin sa kaniya ang patalim na ginamit sa krimen.
Nakuha rin ang umano'y patalim at paltik na baril na pag-aari umano ng isa sa mga napatay na biktima.
Tumangging humarap sa camera ang suspek. -- FRJ, GMA News