Filtered By: Topstories
News

WATCH: Artistahing mukha ng isang lalaki, nasira dahil sa palpak na retoke


Sa hangarin niya na lalo pang gumandang lalaki, pumayag si Ellowe na magpa-plastic surgery para magpatangos ng ilong at magkaroon cleft chin. Desisyon na pagsisisihan pala niya pagkaraan ng ilang taon at sisira sa kaniyang pangarap na maging artista.

BASAHIN: Pige ng 2 babae sa Cebu, napinsala dahil sa palpak na retoke

Sa bahagi ng report ng GMA News TV's Investigative Documentaries nitong Huwebes, sinabing 16-anyos pa lang si Ellowe ay lagi na itong sumasali sa mga talent search.

Dahil may hitsura, rumaket siya  bilang "talent" at maraming beses na rin siyang napasama sa ilang eksena sa pelikula at telebisyon.



Para madagdagan ang pogi points, nagkainteres si Ellowe na iparetoke ang kaniyang mukha. Gusto niyang tumangos ang kaniyang ilong at magpaayos ng baba.

Sa pamamagitan ng isang kaibigan, nakilala ni Ellowe si Kashieca na isang nurse umano na may nalalaman sa "pagtuturok" ng mga nagpaparetoke.

Natakot man sa simula, kinalaunan ay nakumbinsi rin siya na pagpaturok ng collagen sa kaniyang mukha.

"Siyempre natakot ako... sabi niya hindi 'yan magkaka-impeksiyon kasi panghabang-buhay naman 'yan," kuwento ni Ellowe tungkol sa sinabi umano sa kaniya ni Kashieca.

Pero makalipas lang ang dalawang taon, nangyari na ang kinatakuran ni Ellowe. Namaga ang kaniyang ilong at baba, at mistulang lumapad ang kaniyang mukha.

"Hindi nawawala iyong pamamanas niya. Lalong lumalaki nang lumalaki na parang lumalapad po iyong mukha ko. Tapos iyon, hanggang sabi ko, pinakita ko nga ito sa doktor. Sabi ko, 'doc bakit ganito hindi po nawawala?'," patuloy ni Ellowe.

Naimpeksyon ang ilong at baba ni Ellowe at halos hindi na mababakas ang dating magandang hitsura niya.

Ang dahilan umano ng pagkakasira ng mukha ni Ellowe ay hindi purong collagen ang itinurok sa baba at ilong niya.

Ayon kay Dr. Vicente Gil, karaniwan daw itong nangyayari kapag ni-reject ng katawan ang kemikal na ipinapasok sa katawan na tuluyang sisira sa balat.

Sinadya ng Investigative Documentaries ang dating tinitirhan ni Kasheca sa Canlubang, Laguna pero hindi nakita ang nagpakilalang nurse.

Noong nakaraang taon, nagsampa si Ellowe ng illegal practice of medicine sa piskalya sa Laguna laban kay Lasheca dahil sa natamo niyang komplikasyon.

Hanggang ngayon, nakabinbin pa rin sa piskal ang naturang kaso ni Ellowe laban kay Kasheca. -- FRJ, GMA News