8-anyos na batang lalaki na isinilang na walang butas ang puwet, nanawagan ng tulong
Dahil sa kahirapan ng pamilya, walong taon nang tinitiis ang isang batang lalaki sa Iloilo na mabuhay ng walang butas ang puwet. At ngayong malaki na siya, nakakadama na siya ng hiya dahil naamoy na ng kaniyang mga kaklase ang dumi na lumalabas sa kaniyang katawan na napupunta ikinabit na tubo sa kaniyang tiyan na sinasalo lang ng plastik.
Sa ulat ni Nenita Hobilla ng GMA-Iloilo sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Miyerkules, nanawagan ng tulong si aling Maribel Bacong ng Banate, Iloilo, upang maipaopera ang puwet ng kaniyang anak na si Reymark.
Dahil mahirap lang, isang komadrano ang nagpaanak kay aling Maribel nang isinilang niya si Reymark.
Hindi kaagad napansin na walang butas ang puwet ni Reymart nang isilang. Inabot ng ikatlong araw mula nang ipanganak nang makita ang abnormal na kondisyon ng bata at saka inoperahan ang tiyan nito at nilagyan ng tubo at plastik na labasan ng kaniyang dumi.
Ngunit dahil sa kakulangan sa pera at pagpanaw ng ama, hindi na naipagamot pa nang tuluyan si Reymark para mabutasan ang kaniyang puwet.
At sa loob ng walong taon, dala-dala niya ang naturang kondisyon hanggang sa makapag-aral.
Ngayon, nasa ikatlong baytang na sa elementarya si Reymart at nahihiya na raw siya sa kaniyang mga kamag-aral dahil sa masamang amoy na inilalabas ng kaniyang katawan na awtomatikong dumadaan sa tubo patungo sa plastik na nakakabit dito.
Nagiging tampulan na rin siya ng tukso.
Ang paghihirap ng anak ay dama ng kaniyang ina na tanging bumubuhay sa tatlo nitong anak.
Sa pagmamalasakit na rin ng mga guro, nagtulong-tulong sila para makaugnayan ang GMA-Iloilo upang ipanawagan ang kalagayan ng Reymart sa mga taong may mabuting kalooban na nais tumulong para maipaopera ang puwet ng bata at nang makapamuhay na siya ng normal.
"Hihingi lang sana ako ng tulong na maoperahan ang anak ko dahil ang hirap na ang pagdumi niya...ang mga kaklase niya sinasabihan siyang mabaho," emosyunal na pakiusap ng ina. "Maoperahan na sana siya para hindi na siya mahirapan." -- FRJ, GMA News