Baguhang call center agent, binaril malapit sa Cebu IT park
Patay sa pamamaril ang isang call center agent na dalawang buwan pa lang sa kaniyang trabaho. Ayon sa pulisya, tinawag pa ng suspek ang biktima bago binaril malapit sa IT park sa Cebu City nitong Martes ng madaling araw.
Sa ulat ni Chona Carreon ng GMA-Cebu, kinilala ang biktima na si Deogracias Guda, 21-anyos, at dalawang buwan pa lamang umanong nagtatrabaho bilang call center agent.
Ayon kay Cebu City police homicide section head Senior Inspector Elisandro Quijano, lumitaw sa paunang imbestigasyon na hinintay ng nakatakas na suspek ang biktima sa harap ng i1 building sa Cebu IT Park.
Nang dumating si Guda sa lugar dakong 12:45 am, tinawag daw ito ng suspek at saka binaril sa dibdib.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para makilala ang salarin. -- FRJ, GMA News