4 na umano'y mandurukot, ginulpi ng mga pasahero ng bus
Matapos maibalita na isang holdaper ang napatay ng kaniya sanang bibiktimahin sa Pasay City, ngayon naman, apat na umano'y miyembro ng mga mandurukot na kung tawagin ay "Ipit Gang" ang ginulpi ng mga pasahero sa loob ng isang bumibiyaheng bus sa EDSA, Makati.
WATCH: Biktima ng holdap, lumaban; 1 sa 2 suspek, napatay
Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing nakatawag ng pansin sa mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagtigil sa alanganing lugar sa EDSA-Ayala southbound sa Makati ng isang pampasaherong bus.
Nang puntahan at lapitan ng mga tauhan ng MMDA, nakita nila na nagkakaroon ng kaguluhan sa loob ng bus. Kaagad na ring rumesponde ang pulisya at nahuli ang mga suspek na ginugulpi na ng mga pasahero.
Sinasabing sangkot ang apat na suspek sa mga insidente ng pandurukot sa mga bus na bumibiyahe sa EDSA.
Natunugan daw ng mga pasahero ng bus ang modus ng apat kaya ginulpi sila.
Itinanggi naman ng suspek ang paratang sa kanila at iginiit na napagkamalan lang sila.
"Napikon lang sa amin yung drayber, napagkamalan po kami, pinagpapalo kami ng tubo," anang isa sa mga suspek. -- FRJ, GMA News