Nasa 36 katao, patay sa pagtaob ng lantsa sa karagatan ng Ormoc city
Nasa 36 katao ang nasawi, habang 19 na iba pa ang nawawala sa pagtaob ng isang pampasaherong bangkang de motor sa karagatan ng Ormoc City sa Leyte nitong Huwebes ng hapon.
Napag-alaman na kakaalis lang ng MBCA Kim-Nirvana sa pantalan at patungo sana sa Camotes Island sa Cebu nang maganap ang trahediya dakong 12:50 p.m.
Sakay ng lantsa ang 173 pasahero at 16 na crew.
Ayon kay Coast guard spokesman Armand Balilo, nailigtas ang 127 katao.
Kinukumpirma rin ng PCG kung may dayuhan na kasamang naging biktima sa paglubog ng bangkang de motor.
Sa panayam ng GMA News TV's Balita Pilipinas, sinabi ni Capt. Pedro Tinampay, PCG commander sa Eastern Visayas, hindi overloaded ang bangka na kaya umanong magsakay ng 178 katao.
"Ang mga tao raw ang allegedly nag-move sa isang side (kaya lumubog)," ani Tinampay.
Sa paunang impormasyon na natanggap ng PCG-Western Visayas Command, sinabi sa ulat ng News TV Live na magmamaniobra ang bangka pag-alis ng pantalan nang salpukin ito ng malalakas na alon.
Sinabi naman ng ilang nakaligtas na may kargang mga bigas at semento ang bangka.
Sa isang panayam sa GMA News TV's Balita Pilipinas, sinabi ni Balilo na hindi pa sila makapagbibigay ng pahayag tungkol sa anggulong overloading hanggat hindi pa natatapos ang imbestigasyon.
"At this point in time hindi pa tayo puwedeng mag-conclude kung ano talagang nangyari. Pagkatapos ng search and rescue, we will get to the bottom of it, tutal ang kapitan at ang crew naman ay hawak na namin, para malaman 'yung nangyari," aniya.
Sa Palasyo, sinabi ni deputy presidential spokesperson Usec. Abigail Valte na nagbigay ng direktiba si Pangulong Benigno Aquino III na gawin ang lahat para makita ang mga nawawala pa. — FRJ, GMA News