US envoy, bumisita sa Golden Mosque sa Quiapo sa unang pagkakataon
Sa kauna-unahang pagkakataon, dinalaw ng isang embahador ng Amerika ang Muslim community sa Quiapo sa Maynila sa panahon ng Ramadan nitong Biyernes.
Nagtungo si US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg sa Golden Mosque sa Quiapo para pamunuan ang isang interfaith outreach program.
Nagkaloob si Goldgerg ng may 100 kahon ng food packs at educational materials na ipinamahagi sa mga kabataan sa komunidad.
Ito umano ang kauna-unahang pagkakataon na dinalaw ng isang US ambassador ang naturang Muslim community sa panahon ng Ramadan, na nagsimula nitong June 18.
Naging mahigpit naman ang seguridad ng mga awtoridad sa loob at paligid ng Golden Mosque habang naroon si Goldberg.
Ayon kay Goldberg, ang pagbisita niya sa lugar ay simbolo ng pakikiisa ng US sa Muslim community, hindi lang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo.
Ikinatuwa naman ng mga lider ng Muslim community ang personal na pagpunta ni Goldberg sa lugar.
Sinabi ni Commissioner Esmael Ebrahim ng National Commission on Muslim Filipinos, na dama nila ang suporta at pakikiisa ng US government. -- Mark Zambrano/FRJ, GMA News