Filtered By: Topstories
News

Paggiba sa mga bahay ng mga informal settler sa Sta Mesa, itinuloy sakabila ng protesta


Natuloy ang demolisyon sa mga bahay ng may 100 pamilya ng  informal settlers sa Sta. Mesa, Maynila nitong Martes ng tanghali sakabila ng ilang oras na protesta ng mga residente.



Kabilang sa mga nawalan ng bahay ang isang 70-anyos na lola, na limang dekada na umanong naninirahan sa kaniyang bahay na kabilang sa mga winasak.

Sa kaniyang edad, wala nang nagawa si lola Lucia kung hindi iyakan ang pagkawala ng kaniyang bahay na naging bahagi ng kaniyang buhay.

Ang demolisyon sa mga bahaya ay base sa kautusan ng lokal na pamahalaan ng Maynila na unang ipinalabas noon pang nakaraang taon.



Gayunman, iginiit ng mga residente ang karapatan nila sa lugar base sa "rights" na ipinagkaloob umano sa kanila ng National Housing Authority (NHA) noong 1992.

Naghain ang mga residente ng petisyon sa korte at hiniling nila sa lokal na pamahalaan ng Maynila na hintayin na lang ang magiging desisyon ang hukom sa usapin. Gayunman, itinuloy pa rin ang demolisyon. -- Mark Salazar/FRJ, GMA News