Vicky Morales, kinilala bilang Female Broadcaster of the Year
Kabilang ang "24 Oras" news anchor na si Vicky Morales sa mga kinilala sa nagdaang 2015 Journalism Awards ng Rotary Club of Manila.
Ayon sa ulat ng "News To Go" nitong Lunes, nakuha ng batikang newscaster ang "Female Broadcaster of the Year" award mula sa taunang parangal ng naturang samahan, at tinanggap ito ng kanyang tiyuhin na si Atty. Vince Carlos para sa kanya.
Bukod kay Morales, nakatanggap rin ng pagkilala ang ilan sa pinakamagagaling na mamamahayag sa telebisyon, radyo, at mga pahayagan.
Nagsimula ang Rotary Club of Manila sa pagkilala ng mga natatanging mamamahayag noong 1966 upang maging inspirasyon ng paglago ng responsableng pamamahayag sa Pilipinas.
Kabilang sa mga nakatatanggap ng parangal mula sa samahan ang mga personalidad sa media na nagpakitang gilas sa kani-kanilang napiling larangan. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News