9 na Chinese na nakulong dahil sa iligal na pangingisda sa Pilipinas, laya na
Pinalaya na ng Pilipinas ang siyam na Chinese na nakulong ng isang taon bilang parusa dahil sa iligal nilang pangingisda sa karagatang sakop ng bansa noong nakaraang taon.
Sa ulat ng Agence France-Presse (AFP) nitong Miyerkules, sinabing pinalaya ang mga mangingisdang dayuhan matapos nilang mapagsilbihan ang isang taong parusang pagkakakulong.
"They were treated well. They had what other prisoners were eating. Chinese businessmen were also allowed to bring them food like noodles," pahayag ni Raul Mapa, jail officer ng Puerto Princesa kung saan nakulong ang mga dayuhan.
Nadakip ng mga awtoridad ang siyam na mangingisda noong nakaraang taon habang nangingisda sa Hasa Hasa (Half Moon) shoal, na bahagi ng pinag-aagawang Spratly island ng Pilipinas at China.
Nakita rin sa barkong pangisda ng mga dayuhan ang mga patay na pawikan nang mahuli sila.
Sinabi naman sa AFP ni Lourdes Dadule, acting clerk of court, nagpalabas na ng release order ang korte para sa mga dayuhang mangingisda noong Lunes.
Inaasahan na ibibiyahe ang mga dayuhan sa immigration bureau headquarters sa Maynila sa Miyerkules para maiproseso ang pagpapa-deport sa kanila sa China. -- AFP/FRJ, GMA News