Filtered By: Topstories
News

Dalagita, namatay matapos maiwan sa sinapupunan ang inunan ng isinilang niyang sanggol


Hustisya ang hiling ng isang ginang para sa kaniyang 16-anyos na anak na namatay matapos magsilang sa isang pagamutan sa Cavite. Naging komplikado ang kalagayan ng dalagita nang maiwan sa sinapupunan nito ang inunan ng kaniyang isinilang sanggol.

Sa eksklusibong ulat ni Mariz Umali sa GMA News 24 Oras nitong Martes, inilahad ng ginang na si "Letty," hindi niya tunay na pangalan, ang nangyari sa kaniyang 16-anyos na anak nang dumulog ito sa Department of Health (DOH) at maghain ng reklamo para mabigyan ng katarungan ang kaniyang anak.

Reklamo ni Letty, namatay ang kaniyang anak dahil sa kapabayaan umano ng ospital na una nilang pinagdalhan sa anak, at sa pagtanggi naman ng dalawa pang ospital na tanggapin kaagad ang kaniyang anak nang ilipat nila ito dahil hiningan daw muna sila ng pera.

Kuwento ng ginang, madaling araw noong May 25 nang magsilang ang kaniyang dalagitang anak sa Bacoor District Hospital sa Cavite.

Ngunit matapos magsilang ang kaniyang anak, pinahanap daw sila ng ospital ng ambulansiya upang ilipat ng ibang ospital ang kaniyang anak dahil naiwan daw sa sinapupunan nito ang inunan ng sanggol.

Wala raw kakayahan ang Bacoor District Hospital para tugunan ang naturang sitwasyon kaya pinalipat na nila ng ospital ang dalagita.

"Bakit 'di naipalabas ang placenta? Bakit wala silang transportation gaya ng ambulansiya?," tanong ni Letty.



Inilipat umano sa Imus Family Hospital ang pasyente pero hindi raw tinanggap doon dahil kailangan daw munang magbayad ng pamilya ng P10,000.00.

Dahil dito, inilipat at dinala naman ang dalagita sa Medical Center Imus o MCI na humihingi naman daw sa pamilya ng P20,000.00 deposito bago i-admit ang pasyente.

Inasikaso lang daw ng MCI ang pasyante nang makitang naghihingalo na ito, at doon na binawian din ng buhay ang dalagita.

Sa death certificate ng pasyente, uterine inversion at undelivered placenta ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Nakasaad din na labis ang dugo na nawala sa anak ni Letty.

Hinanakit ni Letty, bakit kailangan pera ang inuuna ng mga ospital at hindi ang pagsagip sa buhay ng anak niya.

Paliwanag ng mga ospital

Nang puntahan ng GMA News ang Bacoor District Hospital, tumanggi muna silang magbigay ng pahayag dahil wala raw doon ang kanilang medical director at administrative head, ayon sa ulat ni Umali.

Pero nang makausap na sa telepono si Dra. Jocelyn Caballes, chief of hospital, BDH, iginiit nito na hindi nila pinabayaan ang pasyente.

Subalit dahil infirmary level lang daw ang kanilang ospital at tanging normal delivery lang ang isinasagawa, pinalipat nila ng ibang ospital ang pasyente.

Ayon pa kay Caballes, wala silang consultant na OB at nirerefer na nila sa mas malaking ospital ang pasyente kapag hindi lumabas ang placenta ng nanganak sa loob ng 20 hanggang 30 minuto.

Dagdag pa niya, sinamahan at dalawa nilang nurse ang umalalay sa pasyente sa paglipat sa kalapit na ospital Imus Family at MCI.

Samantala, wala pa raw natatanggap na kopya ng reklamo ang MCI at hindi muna sila nagbigay ng ibang pahayag dahil wala ang kanilang medical director.

Itinanggi naman ng Imus Family Hospital na nanghingi sila ng deposito sa pamilya ng pasyente.

Hindi rin daw nila kayang tugunan ang kumplikadong sitwasyon ng dalagita.

Paliwanag ni Dr. Alyer Alesstante, medical director ng Imus Family Hospital, wala siyang blood bank bilang isang primary hospital.

"Kapag ganung massive bleeding wala kaming maibibigay na blood sa kaniya, so mas lalong makakasama o hindi maganda sa kaniyang kalusugan.

Pinadalhan ng DOH ang tatlong nabanggit na ospital ng reklamo ni Letty at binigyan sila ng tatlong araw para sumagot.

Kung hindi sapat para sa DOH ang paliwanag ng mga ospital, magsasagawa ng fact finding investigation ang ahensiya tungkol sa nangyayari. -- FRJ, GMA News