Filtered By: Topstories
News

Binatilyong naliligo sa dagat, patay nang madikitan ng dikya


Nasawi ang isang binatilyo matapos siyang madikitan ng dikya sa leeg habang naliligo sa dagat sa Tagkawayan, Quezon.

Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Miyerkules, sinabi ng tiyahin ng 11-anyos na biktimang si Angelo Las Piñas, na kasama nitong naliligo sa dagat ang mga kamag-anak at kaibigan nang mangyari ang insidente sa karagatang sakop ng Barangay Rizal.



(Larawan ni GMA News correspondent Peewee Bacuño)

Kaagad na dinala si Las Piñas sa ospital hindi nagtagal ay binawian din siya ng buhay.

Ayon sa ama ng biktima na isang mangingisda, karaniwang nagkakaroon ng dikya sa naturang bahagi ng dagat kung saan nasawi ang kaniyang anak tuwing mainit ang panahon mula Marso hanggang Hunyo.
 
Bunga ng trahediya, hindi na umano niya papayagan ang iba pa niyang anak na maligo sa dagat lalo na kapag panahon ng tag-init.
 
Noong 2013, nagkaroon din umano ng insidente ng salabay sa nabanggit na barangay at nasawi rin ang biktima.

Payo naman ni Dra. Sunshine Heraña ng Tagkawayan District Hospital, hugasan ng suka at hindi ng tubig ang bahagi ng katawan na kinapitan ng dikya. -- FRJ, GMA News

Tags: dikya, jellyfish