Filtered By: Topstories
News

Mga nakaligtas at pamilya ng mga nasawi sa nasunog na pabrika sa Valenzuela, sasahod ng P8K


Ibibigay umano ng kumpanya ng nasunog na pabrika ng tsinelas sa Valenzuela City ang P8,000 na sahod ng mga manggagawang nakaligtas at mga nasawi sa trahediya na kumitil sa 72 buhay noong Miyerkules.
 
Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Sabado, sinabi umano Atty. Renato Paraiso, abogado ng Kentex Manufacturing Corporation, na ang nabanggit na halaga ay sahod umano ng mga manggagawa para sa unang bahagi ng buwan.

Ibibigay naman sa mga naulilang pamilya ang nabanggit na sahod para sa mga nasawing manggagawa.
 
Ayon sa ulat, ang ibibigay na sahod ay mas mataas umano kaysa sa unang napaulat na P5,500.
 
Bukod pa umano ito sa tulong pinansiyal na ipinangakong ipagkakaloob ng kumpanya sa mga nakaligtas at sa pamilya ng mga nasawi.
 
Gayunman, sinabi rin sa ulat na dismayado umano si Valenzuela city Mayor Rex Gatchalian sa paraan ng pagtugon ng kumpanya sa pananagutan nito sa mga biktima. Hindi rin daw sapat ang nabanggit na halaga na ibibigay.
 
Nitong Biyernes, sinabi ni Leody De Guzman, presidente ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, na hindi lang ang Kentex ang dapat na managot sa nangyaring trahediya sa Valenzuela.
 
“Tingin namin may pananagutan ang local government, dahil paanong ang kumpanyang kagaya ng Kentex na ilang taon nang lumalabag sa fire and safety standards ay nakakapagpatuloy sa kanilang operasyon?” tanong ni De Guzman.
 
Sa naunang ulat naman ng Agence France-Presse, sinabi umano ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz, na ang trahediya sa Valenzuela ay nagpakita ng ginagawang pang-aabuso ng ilang kumpanya sa  mga manggagawa.

"The deaths should serve as a wake-up call for businessmen to stop these abuses... they should give their employees dignity," anang kalihim. -- FRJ, GMA News