Filtered by: Topstories
News

Pacquiao dinumog sa motorcade sa Raja Sulayman sa Maynila


Kanya-kanyang payong ang mga tagahanga ni Manny Pacquiao habang naghihintay sa ilalim ng init ng araw, maabutan lang ang pagdating ng motorcade ng Pambansang Kamao sa Raja Sulayman Plaza sa Roxas Boulevard, Manila.
 
Pagdating ni Pacquiao, agad siyang dinumog ng supporters at ng media, na agad ding hinawi ng mga bouncer.
 
Sinalubong si Pacquiao ni Manila Mayor Erap Estrada, na nagsabing si Pacquiao ang pinakamagaling na boksingero lumabas sa bansa. Dagdag ni Estrada, maituturing na kampeon si Pacquiao di lamang dahil sa kanyang mga ginawa sa ring, kundi pati sa kanyang malasakit sa mga mahihirap na kababayan.
 
Nagpasalamat naman si Pacquiao kay Estrada at sa suporta ng mga Pilipino, partikular sa pagkakaisa ng mga TV network para maipalabas sa publiko ang labang Pacquiao-Mayweather.
 
Ilang batang breakdancers ang nagtanghal para sa pambansang kamao. Sinalubong din si Pacquiao ng mga nagwagi sa Miss Manila 2015.
 
Mapapansing magkatabi ang dating magkaaway na si Chavit Singson at Mayor Erap Estrada sa likod ni Pacquiao sa ilang bahagi ng programa.  — ELR, GMA News