Mainit na panahon, sinasamantala ng mga gumagawa ng palayok
Kung marami ang naiirita sa sobrang init ng panahon, ikinatutuwa naman ito ng mga gumagawa ng palayok sa barangay Quintong sa San Carlos city, Pangasinan.
Ayon sa ulat ni Joanne Ponsoy ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Lunes, sinabing ang matinding sikat ng araw ang isa sa mga puhunan ng mga nagnenegosyo ng palayok para makagawa sila ng mas matitibay at mas maraming pottery products.
Kapag matindi ang init ng araw, mas madaling matutuyo ang mga hinuhulma nilang kalan at palayok.
Ayon sa mga nagnenegosyo nito, doble o triple ang bilang ng nagagawa nilang kalan kada araw ngayong tag-araw.
"Malaki ang tulong ng tag-araw dito sa amin dahil madali ang tuyo ng trabaho namin. Itong hanapbuhay namin dito, kapag tag-ulan, konti lang ang ano namin (gawa)," paliwanag ni aling Leticia Mislang.
Sinabing aabot ng dalawa hanggang tatlong araw bago matuyo ang mga hinulmang pottery products depende sa tindi ng init ng panahon.
Pagkatapos mapatuyo sa initan ang mga produkto, lulutuin pa ang mga ito sa hurnuhan at saka kukulayan bago ibenta.
Umaasa ang mga magpapalayok sa barangay Quintong na unti-unting makikilala ang kanilang mga produkto hindi lang sa Pangasinan kung hindi maging sa buong bansa. -- FRJ, GMA News