State of calamity, idineklara sa Pikit, Cotabato dahil sa epekto ng matinding init
Isinailalim na sa state of calamity ang Pikit, Cotabato dahil sa matinding init ng panahon na nakaapekto na sa mga pananim at pag-aalaga ng mga hayop.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Miyerkules, sinabing base sa tala ng Disaster Risk Eeduction and Management Council, tinatayang nasa P70 milyong na ang halaga ng nasirang pananim at livestock dahil sa init.
Gagamitin ang quick response fund ng lokal na pamahalaan para matulungan ang mahigit 2,000 manggagawa sa mga sakahan at poultry farm na naapekto ang kabuhayan.
Samantala, nanawagan ang Zamboanga city Agricultural Office na itigil ang nakatakdang cloud seeding operation ng Department of Agriculture.
Ayon sa city agriculturist, hindi muna kailangang isagawa ang cloud seeding operation dahil sa sunod-sunod na pag-ulan na naranasan sa lugar.
Tumaas na rin daw ang antas ng tubig sa mga irrigation dam at ilog.
Noong Abril, nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Panglungsod para isailalim sa state of calamity ang lungsod.
Ito'y matapos masira ng init ng panahon ang tinatayang nasa mahigit P130 milyong halaga ng pananim at palaisdaan.
Pero paglilinaw ng city agriculturist, pansamantala lang ang kanselasyon ng cloud seeding operation at dapat pa rin itong ituloy oras na maranasan ulit ang matinding init ng panahon. -- FRJ, GMA News