Filtered by: Topstories
News
Ihi, dumi ng tao at asido, umulan sa demolisyon sa Q.C.
Nauwi sa kaguluhan ang isinagawang demolisyon sa Mother Ignacia Street sa Quezon City. Ang mga pulis at demolition team, binato umano ng ilang residente ng ihi, dumi ng tao at asido na inilagay sa bote. Ang isang reporter ng dzBB radio, nahagip at nagkabutas-butas ang pantalon.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing nagbarikada ang ilang residente na pakay ng demolisyon sa isang compound sa Mother Ignacia Street.
Pero hindi pa man nasisimulan ang demolisyon sa may 30 bahay na kasama sa road widening, kaagad na nagkaroon ng tensiyon, tulukan at nauwi sa pambabato sa mga tauhan ng anti-riot police ng QCPD at demolition team.
Sabi ng mga pulis, pinagsamang dumi at ihi ng tao at hayop ang laman ng mga botelya.
Ang mga pulis, pati na ang hepe ng QCPD Station 10 hindi nakaligtas sa mga inihagis.
Pero bago pa bumaba ang tensiyon, muling nagkagulo matapos magpakawala muli ng botelya ang ilang residente. Pero sa pagkakataong ito, asido na umano ang laman.
Isa sa mga tinamaan pero hindi naman malubhang nasaktan ay ang reporter ng dzBB radio na si Allan Gatus.
Hindi man direktang tinamaan, makikita naman ang mga butas na tinamo ng kaniyang pantalon dahil umano sa asido.
Reklamo ng ilang residente, ilegal ang ginawang demolisyon dahil dinala na nila ito sa korte. Hindi raw dapat itinuloy ang pagwasak sa mga bahay na apektado ng pagpapalawak ng kalsada.
Aabot sa 300 kabahayan ang kasama sa tatamaan ng proyekto ng lokal na pamahalaan ng Q.C. Ang may 80 sa kanila ay pumayag na mailipat sa relocation site sa Pandi, Bulacan.
Pumayag na rin umano ang iba pa na mailipat sila ng matitirhan at nangakong sila na mismo magtatanggal ng kanilang mga bahay. -- FRJ, GMA News
Tags: acidattack, demolition
Find out your candidates' profile
Find the latest news
Find out individual candidate platforms
Choose your candidates and print out your selection.
Voter Demographics
More Videos
Most Popular