Filtered By: Topstories
News

Dapat nga bang alisin ang age requirement sa mga naghahanap ng trabaho?


Muling iginiit ng isang senador na dapat nang alisin ang diskriminasyon sa edad sa mga taong nais magtrabaho.
 
"Job fairs organized by government agencies and private firms have become staple activities every year on Labor Day. But how many jobseekers above 30 years old actually get hired in these fairs?" saad sa pahayag ni Senador Pia Cayetano.
 
Puna ng mambabatas, nawawalan ng pagkakataon ang mga may edad na aplikante na matanggap sa trabaho dahil sa itinatakdang edad na hinahanap ng mga employer o kompanya na kadalasang mas bata.
 
“We see age discrimination openly being flaunted in job fairs and classified ads, where companies or employment agencies set specific age requirements for job seekers, such as between 20 to 30 years old. It is also in the employment policies of some industries, although sometimes discreetly,” ayon kay Cayetano.
 
Binigyan-diin niya na nakasaad sa Saligang Batas ang patas na pagkakaloob ng pagkakataon sa lahat para makapagtrabaho. Gayunman, wala umanong batas na nagbabawal sa age discrimination sa paggawa.
 
Dahil dito, ipinanawagan ni Cayetano na pagtibayin ang inihain niyang Senate Bill No.29, o Anti-Age Discrimination in Employment Act (SBN 29), na nakabinbin sa ikalawang pagbasa sa Senado.
 
Aniya, kabilang sa mga sumusuporta sa kaniyang panukala ay ang Blas F. Ople Policy Center and Training Institute, isang migrant workers support  group; at ang ‘Abilidad, Hindi Edad’ (‘Skills, Not Age’) Coalition, na binubuo ng mga grupo ng mangggagawa.
 
Dagdag ni Cayetano, ang pagtatakda ng edad sa mga aplikante ay usapin din sa hanay ng mga overseas Filipino worker na nais nang bumalik at sa Pilipinas na magtrabaho.
 
Aniya, bagaman marami sa kanila ang may sapat na karanasan at kakayanan sa trabaho na kanilang inaaplayan, nagiging balakid sa kanila ang edad kung mahigit na sila sa 30-taong-gulang.
 
"Thus, many of our OFWs are forced to stay abroad or return there, sometimes as illegal workers, or even risk their own life and safety as migrant workers in countries torn by conflict or war,” paliwanag ng senadora.
 
Sa ilalim ng panukalang batas ni Cayetano, ipagbabawal sa mga employer na naghahanap ng aplikante na ilagay at magtakda ng edad na nais nilang aplikante. Hindi rin dapat maging basehan ang edad para sisantihin ang manggagawa.

Ang lalabag ay pagmumultahin ng P50,000 hanggang P500,000, o pagkakakulong  ng tatlo hanggang dalawang  taon.
 
“The Philippine economy is widely acknowledged as one of the fastest moving in the region, and yet our workers remain stuck in backward practices and conditions. Passing the Anti-Age Discrimination in Employment Act would be a fitting legacy of the 16th Congress for our workforce,” ani Cayetano. -- FRJ, GMA News

Tags: talakayan