Matatandaang nahaharap ngayon si Veloso sa sintensyang kamatayan matapos masangkot sa pagkakasalang may kinalaman sa pagpupuslit ng ipinagbabawal na droga noong 2010.
Inilathala ng Department of Foreign Affairs ang mga nasabing liham sa kanilang Facebook page nitong Linggo, dalawang araw bago ang
nakatakdang petsa ng pagpataw ng kamatayan sa 30 taong gulang na OFW sa pamamagitan ng firing squad.
Iginigiit ni Veloso sa kanyang liham para sa dalawang pinakamataas na pinuno ng bansa na wala siyang kasalanan at walang katotohanan ang mga ibinibintang sa kanyang pagpuslit at pagbebenta ng droga sa ibang bansa dahil mas gugustuhin niya umano ang kumita ng pera sa mahirap ngunit malinis na paraan.
“Pinalaki po ako ng aking mga magulang na may takot sa Panginoong Diyos. Sumusumpa po ako sa harap ng Panginoong Diyos na wala po akong kasalanan at isa lang po akong biktima ng mga taong gumagawa ng kasamaan,” aniya.
Naniniwala rin umano siya na hindi siya pababayaan ng gobyerno at makakamit ang hustisya at katarungan para sa kanya, at nagpapasalamat siya sa mga ahensya at mga Pilipinong tumulong sa kanya sa anumang paraan.
Mensahe sa kabataan Pilipino Sa hiwalay na liham, nagpaabot ng mensahe si Veloso sa mga kabataang Pilipino hinggil sa pagkalulong sa ipinagbabawal na gamot.
Ibinahagi niya ang kanyang karanasan sa limang taong pagkakakulong dahil sa hinihinalang pagpuslit at pagbebenta ng ilegal na droga sa ibang bansa.
Ayon sa Pilipinang OFW, napaliligiran siya ng mga kabataan sa kulungan na nalulong sa ipinagbabawal na gamot dahil sa m'aling pakikihalubilo at pakikipagbarkada.'
“Marami nang naging biktima at naligaw ng landas. Karamihan sa kanila ay itinatakwil ng kanilang pamilya, napapariwara, nasisira ang pag-aaral, nagkakasakit at namamatay dahil sa sobrang paggamit ng drugs,” paliwanag niya.
Hinihikayat niya ang kabataan na umiwas sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot, pati na ang pagbebenta nito, dahil wala umano itong maidudulot na mabuti at makasisira pa ng buhay. Inudyok niya rin ang karamihan na huwag makalimot sa Panginoon upang hindi malihis ng landas at magkaroon ng magandang kinabukasan.
“Kayong mga kabataan ang pag-asa ng bayan at magiging bayani ng ating bansa.”
Payo sa kababaihan
Pinayuhan niya naman sa isang pang liham ang mga kababaihang Pilipino na mag-ingat sa paghahanap ng trabaho sa ibang bansa, at huwag gumamit ng ilegal na paraan upang makarating lamang sa paroroonan at makatulong agad sa pamilya.
Dahil umano sa kagustuhan niyang matupad ang pangarap niya para sa sarili at sa pamilya, nakipagusap siya sa mga illegal recruiters at ito pa ang naging daan upang mapahamak siya at makulong ng limang taon dahil sa kasalanang hindi niya umano ginawa.
“Mga mahal kong kababayang babae sa Pilipinas, huwag kayong magpapaloko sa mga recruiter na hindi gumagamit ng legal na paraan,” giit ni Veloso.
Pinapayuhan niya rin ang mga kababaihan na hangga't maaari ay huwag na lamang umalis sa Pilipinas kahit na mahirap ang buhay dahil mas mabuti na aniyang kasa-kasama nila ang kanilang mga pamilya kaysa makaranas sila ng kapahamakan sa ibang bansa.
Liham sa mga 'nagpahamak' sa kanya
Panghuli sa mga pinaabutan ng liham at mensahe ni Veloso ang mga taong pinaniniwalaan niyang nagpahamak sa kanyang buhay at naging dahilan ng pagkakaroon niya ng sintensya ng kamatayan para sa krimen na iginigiit niyang wala siyang kinalaman.
Hinihiling niya na tumigil na ang mga ito sa ilegal na gawain sa ibang bansa upang wala nang mabiktima kagaya niya, at upang wala na ring buhay na masira dahil sa pagkalulong sa ipinagbabawal na droga. Nais rin niyang mahuli agad ang mga ito upang matigil na ang pambibiktima sa mga inosenteng OFW.
“Ituloy man ang bitay sa akin, alam ko na hindi natutulog ang Panginoong Diyos at bibigyan niya ako ng katarungan sa lahat ng nangyari sa akin,” pahayag ni Veloso.
Dagdag pa niya, masakit man na kailangan niyang pagdaanan ang lahat ng ito, ipinananalangin pa rin niya ang kapatawaran para sa mga naglagay sa kanya sa sitwasyong ito kasabay ng paghikayat sa kanilang magbago para sa mas magandang kinabukasang nag-aabang sa kanila.
“Trust in God,” pagtatapos ng Pilipinang OFW.
— Bianca Rose Dabu/JDS, GMA News