Pinakamalaking bilang ng foreign tourists sa Pilipinas noong 2014, saan bansa galing?
Bagaman kapiraso lang ang nadagdag sa bilang ng mga dayuhang turista na dumating sa Pilipinas noong 2014 kumpara noong 2013, malaki pa rin ang naitulong nito sa kaban ng turismo na halos umabot sa $5 bilyon. Alam ba ninyo kung saang bansa nanggaling ang pinamalaking bahagi ng mga dayuhang turistang bumisita sa Pilipinas?
Batay sa datos mula sa Department of Tourism, sinabing umabot sa 4.83 milyon ang tourist arrivals noong 2014, na mas mataas lang ng 3.25 porsiyento kumpara noong 2013.
Pero kahit bahagya lang ang pagdami ng turista, umabot naman sa P214.8 bilyon o $4.86 bilyon ang kinita ng bansa sa turismo, na 15 porsiyento na mas mataas kumpara noong 2013 (P186.15 bilyon).
Ang mga Korean pa rin ang pinakamarami sa mga dayuhang turista na dumalaw sa Pilipinas na umabot sa 1.175 milyon. Hindi ito nalalayo sa 1.165 milyon na bilang ng mga Korean na dumating sa bansa noong 2013.
Sumunod naman ang American citizens (722,750), Japanese (463,744), Chinese (394,951), Australian (224, 784), Singapore (179,099), Canadians (143,899), Taiwanese (142,973), Malaysian (139,245), United Kingdom (133,665), at mula sa Hong Kong (114,100). -- FRJ, GMA News