Batang lalaki, nakitang patay sa sapa; kapatid niyang babae, natagpuang tulala
Bangkay na nang matagpuan ang isa sa dalawang batang magkapatid na iniulat ng kanilang mga magulang na nawawala sa Ormoc City.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing nakitang palutang-lutang sa sapa ang bangkay ng dalawang-taong-gulang na batang lalaki.
Ang kaniya namang kapatid na babae na tatlong-taong-gulang, tulala nang matagpuan sa masukal na bundok sa Ormoc.
Nitong Linggo pa nawawala ang batang magkapatid nang ipagkatiwala sila ng mga magulang sa kanilang kaanak.
Pero hindi raw namalayan ng nagbabantay na nakaalis ang magkapatid.
Hinala ng ina ng mga biktima, may tumangay sa mga anak niya dahil napakalayo ng lugar kung saan sila nakita.
Nasa punerarya na ang bangkay ng batang lalaki habang, nagpapagaling pa ang kaniyang kapatid.
Patuloy na iniimbestigasyon ng pulisya ang nagyari sa magkapatid. -- FRJ, GMA News