Filtered By: Topstories
News

Ilan sa SAF troopers na nasawi sa Mamasapano, binaril na nakataas ang kamay-- DOJ witness


Isiniwalat ng isang testigong hawak ngayon ng Department of Justice (DOJ) na sumuko umano ang ilan sa mga nasawing miyembro ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao pero pinagbabaril at pinatay pa rin ng mga armadong grupo kahit nakataas na ang kanilang mga kamay.

Sa exclusive report ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes ng gabi, sinabing tinukoy din ng testigo ang mga grupo at mga lider na nakasagupa ng SAF sa Mamasapano noong Enero 25.
 
Sa sinumpaang salaysay ng testigo na hindi na muna pinangalanan para sa kaniyang seguridad, sinabi nito na tatlong grupo ang nagtulong-tulong laban sa SAF-- ang Moro Islamic Liberation Front, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at ang tinatawag umanong "Massacre," na kasangkot sa Maguindanao massacre noong 2009.

"Nakita ko na nagdatingan ang madami pang MI [MILF], Freedom [BIFF] at Massacre na sumali sa bakbakan... Mga 250 katao po na magkahalong MI, Freedom at Massacre," saad sa affidavit ng testigo.

Tinukoy din ng testigo ang mga lider umano ng MILF at BIFF na kasamang nakasagupa ng SAF troopers. Ito ay sina ay Kumander Maku, Kumander Ben Tikaw, Kumander Salik Kikok, at isang Ustadz Manan Saluwang na pawang kaanib umano ng MILF.

Sumali rin umano sa sagupaan ang iba pang MILF na sina Kumander Rifi, Kumander Anife, Kumander Resbak, Kumander Tamano, at Kumander Hamves.

Sa grupo ng BIFF, ang mga kasamang lider naman umano ay sina Muslimin Amilil, Maroks Nanding, at Kumander Bisaya.

Dakong 8:00 a.m. umano nang malaman ng mga armadong grupo na mga pulis ang kanilang kabakbakan.



Nakataas na ang kamay

Ayon pa sa tetigo, nakatago sa mga puno ang mga armadong grupo habang pinapaligiran ang SAF troopers na nakakubli sa maisan.

Nang lumabas na sa maisan ang mga sugatang SAF troopers para sumuko, pinagbabaril pa rin umano ang mga ito kahit nakataas ang mga kamay. Ang iba sa mga biktima, sinipa pa umano hanggang mahulog sa ilog.

Pinagkukuha rin umano ng mga armadong grupo ang mga armas at personal na gamit ng mga patay na SAF troopers. 

Kasama umano ang umano ni Kumander Hamves sa kumuha sa mga baril ng SAF troopers.

"Nilapitan ng mga MI, Freedom at Massacre ang mga pulis na nakahiga na sa lupa at pinagbabaril pa para masigurong patay na... Hinila nila palapit sa ilog at patulak na sinipa para mahulog sa ilog yung mga bangkay," nakasaad sa affidavit ng testigo.

Ayon kay DOJ Secretary Leila de Lima, mahalaga ang mga pahayag na ibinigay ng testigo sa isinasagawa nilang imbestigasyon tungkol sa ano talaga ang nangyari sa Mamasapano.

"Sinasabi ko na very vital. Sinasabi ko na may alam talaga... He was there," anang kalihim.

Sinabi naman ng PNP na ilan sa mga laman ng salaysay ng testigo ay tumutugma sa resulta ng isinagawa nilang imbestigasyon.

"Binaril sila na wala nang vest. Ibig sabihin eh napatay sila noong nahuli na sila. Talagang naging malupit yung kamatayan ng ating Special Action Force," ayon kay PNP spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo.

Nanawagan naman ang PNP sa iba pang may nalalaman sa nangyaring krimen sa Mamasapano na makipagtulungan at magbigay din ng kanilang testimonya.

"Lalo tayong nagagalit. Lalo tayong nasasaktan. Be assured na tutugusin natin kung sino yung mga responsable dito," anang opisyal. -- FRJ, GMA News