Filtered By: Topstories
News

Buntis na misis ng vice mayor ng Ronda, Cebu, inaresto


Inaresto ang buntis na maybahay ng bise alkalde ng Ronda, Cebu bunsod ng reklamong frustrated murder na isinampa ng isang abogada.

Sa ulat ng GMA News Saksi nitong Lunes, sinabing ang reklamong isinampa ni Attorney Jiecel Tiu laban kay Pearl Ungad, misis ni Ronda Vice Mayor Jonah Ungab, ay dulot ng insidenteng nangyari noong nakaraang linggo.

Sinasabing binangga umano ng kotseng sinasakyan ni Mrs. Ungab ang kotseng minamaneho ni Tiu sa barangay Cogon Ramos sa Cebu city noong Huwebes.

Hinampas din daw ng baseball bat ni Mrs. Ungab ang kotse ni Tiu.

Sa reklamo ni Tiu, inatake rin daw siya ng misis ng bise alkalde kaya nagtamo siya ng pasa niya sa balikat.



Sa imbestigasyon ng pulisya, selos umano ang lumalabas sa dahilan ng galit ni Mrs. Ungab dahil pinaghihinalaan nitong may relasyon ang abogada sa bise alkalde.

Mariin namang itinanggi ni Tiu na may relasyon sila ni vice mayor Ungab.

Inaresto na si Mrs. Ungab pero sa ospital siya dinala dahil sa kaniyang kalagayan na nagdadalang-tao.

Maghahain pa umano ng ebidensiya si Tiu sa nangyaring insidente at isasama rin ang kuha umano ang kuha ng cctv sa insidente.

Maghahain naman ng counter affidavit si Mrs. Ungab pero tumanggi siyang magbigay ng pahayag sa GMA News kaugnay ng insidente.

Sinusubukan pang kunan ng pahayag si vice mayor Ungab kaugnay ng insidente. -- FRJ, GMA News