Bong Revilla, pinayagan ng korte madalaw ang anak na si Jolo sa ospital
Pinayagan ng Sandiganbayan ang nakadetineng si Sen. Ramon "Bong" Revilla Jr. na mabisita sa ospital ang kaniyang anak na si Jolo, na nasugatan sa tama ng bala ng baril sa dibdib. Gayunman, nagtakda ng mga kondisyon ang korte ng mga bagay na hindi maaaring gawin ng senador habang nasa ospital.
"The use of any means of communications and electronics (phones, cell phones, Internet) by the accused and those who will accompany him shall be under the control and supervision of the PNP. Media and other news interviews shall not be allowed," saad sa resolusyon ng korte na ipinalabas nitong Martes.
Kasalukuyang nakadetine si Revilla sa PNP Custodial Center dahil sa kinakaharap na kasong katiwalian at pandarambong dahil sa alegasyon ng maanomalya niyang paggamit sa kanilang pork barrel scam.
Samantala, nakaratay naman sa Asian Hospital and Medical Center sa Muntinlupa ang si Jolo, bise gobernador ng Cavite, dahil sa tinamong tama ng bala sa itaas na bahagi ng kanang dibdin dahil sa umano'y aksidenteng paputok ng baril habang nililinis noong Sabado.
Sa resolusyon ng korte, inatasan ang PNP na magbigay ng seguridad sa nakatatandang Revilla sa pagbisita sa anak na nasa ospital.
"PNP OIC Deputy Director General Leonardo Espina, in coordination with the sheriffs of this court, should provide adequate personal escorts and security measures in all movements and dispositions of accused Revilla," saad sa resolusyon.
Pinayagan ng anti-graft court ang senador na makalabas ng kaniyang detention facility pagsapit ng 1:30 p.m. at dapat makabalik pagsapit ng 8:00 p.m.
"Revilla shall be transported from his detention cell at Camp Crame not earlier than 1:30 in the afternoon to the Asian Hospital and to no other place, and he will be allowed to stay there not beyond 8 pm of the same day, and thereafter he shall be returned immediately to his detention cell at Camp Crame," deklara ng korte.
Kasama rin sa kondisyon ng korte na dapat sagutin ni Revilla ang gastusin ng PNP sa labas ng Camp Crame.
"All expenses to be incurred by the PNP in connection with the personal escorts and security measures in all movements and dispositions of accused Revilla outside Camp Crame until his return to his detention facility shall be shouldered and paid by the said accused," paliwanag pa sa desisyon. — FRJ, GMA News