Sagot ng BIFF sa bantang opensiba ng AFP: 'Gawin na nila, 'wag ng salita nang salita'
Hinamon ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na itigil na ang pagsasalita at gawin na lamang ang bantang opensiba laban sa kanila.
Ang pahayag ay ginawa ng tagapagsalita ng BIFF matapos iutos ni AFP chief of staff General Gregorio Pio Catapang sa puwersa ng militar ang all-out offensive laban sa armadong grupo na tumiwalag mula sa hanay ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
"Gawin na nila, 'wag ng salita nang salita. Inshaallah (if Allah wills) maganda kung gagawin nila," ayon kay BIFF spokesman Abu Misry Mama sa GMA News Online.
Ayon pa kay Mama, handa ang kanilang puwersa na harapin ang gagawing pagsalakay ng militar.
Ang mga kasapi ng BIFF ay mga tumiwalag na miyembro ng MILF dahil sila na makipagkasundo sa pamahalaan.
Inihayag naman ni AFP Public Information Office chief Lt. Col. Harold Cabunoc na may koordinasyon sa MILF ang opensibang isinagawa na laban sa BIFF.
Patuloy ni Cabunoc, may 20 miyembro ng BIFF umano ang nasawi sa operasyon ng militar noong Linggo sa Pikit, Cotabato. Ang MILF umano ang nagbigay ng intelligence information sa posisyon ng BIFF.
“Nobody will stop us from doing our mandate of stopping these terrorists,” pahayag ni Cabunoc sa GMA News Online.
“We are also coordinating with the MILF which is giving accurate information of these bandits' location within their areas of influence,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Cabunoc na malaking tulong ang nakukuhang impormasyon sa BIFF para maiwasan na madamay ang mga sibilyan sa isinasagawang pagbomba ng militar sa posisyon ng BIFF.
Walang AFP-MILF joint operation
Samantala, nilinaw ng isang mataas na opisyal ng MILF na hindi kasama ang kanilang puwersa sa isinasagawang operasyon ng militar laban sa BIFF.
"Mayroon nang ongoing (operation) and it was coordinated to us, although there is no joint operation. Maganda naman talaga ang relasyon ng MILF at ng AFP," pahayag ni MILF peace panel chairman Mohagher Iqbal sa panayam ng GMA News' "24 Oras."
Nalagay sa alanganin ang usapang pangkapayapaan ng MILF at pamahalaan matapos masawi ang 44 police commando na nagsagawa ng operasyon sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 nang makasagupa ng mga ito ang ilang tauhan ng MILF at BIFF.
Dahil sa insidente, natigil ang deliberasyon ng Kongreso sa Bangsamoro Basic Law na mahalagang bahagi ng isinusulong na usapang pangkapayapaan ng MILF at gobyerno.
Iginiit ni Iqbal sa isang pagdinig ng Senado na magkaibang paksiyon na ang MILF at BIFF, dahil ang huli ay hindi sang-ayon sa usapang pangkapayapaan na kanila namang isinusulong.
Nanindigan din ang opisyal ng MILF na naiwasan sana ang engkuwentro ng Speacial Action Force at kanilang tauhan sa Mamasapano kung ipinaalam lang sa MILF ng pulisya ang naturang operasyon laban sa mga teroristang sina Zulkifli bin Hir, alyas Marwan,
Abu Sayyaf Group member Abdul Bassit Usman at Malaysian bomb maker na si Amin Baku. -- FRJ, GMA News