Filtered by: Topstories
News

Diwa ng EDSA revolt, naging gabay daw ni PNoy sa pamamahala


Isa araw bago ang 29th anniversary ng EDSA People Power I Revolution, inihayag ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na ang naturang makasaysayang pangyayari na nagluklok sa kaniyang namayapang ina sa Malacañang ang naging inspirasyon niya para harapin ang mga pagsubok sa kaniyang pamamahala.

“Bilang pinuno ng ating bansa, ang diwa ng EDSA ang ating isinasabuhay sa pagharap sa mga hamon ng ating panahon,” pahayag ni Aquino sa awarding ceremony ng 12th Ten Accomplished Youth Organizations Awards na ginanap sa Palasyo nitong Martes.

Naging lider ng bansa ang ina ni Aquino na si dating Pangulong Cory Aquino nang mapatalsik sa kapangyarihan sa pamamagitan ng people power revolution noong 1986 ang nakaupong pangulo na si Ferdinand Marcos.

'Di dapat magpadala sa emosyon'

Sa kaniyang talumpati nitong Martes sa TAYO Awards, sinabi ni Aquino na humarap sa maraming pagsubok ang kaniyang liderato mula sa natural calamities hanggang sa problema ng Filipino migrant workers at ang madugong insidente sa Mamasapano, Maguindanao, kung saan 44 na police commandos ang nasawi sa engkuwentro.

Marami ang pumupuna sa kung ano ang tunay na partisipasyon ni Aquino sa operasyon sa Mamasapano, at ng kaniyang kaibigan na si resigned PNP chief Director General Alan Purisima.

Ayon kay Aquino, bilang lider ng bansa, kailangan niyang kontrolin ang kaniyang emosyon at harapin ang lahat ng pagsubok ng mahinahon.

“Bilang Pangulo, ginagawa ko ang lahat, upang harapin at tugunan ang mga suliranin ng bansa. Madalas, binabalewala na lang natin ang pagod at puyat. Hindi ako puwedeng magpadala sa bugso ng aking emosyon dahil baka mapalala ko pa ang problema," paliwanag niya.

"Sa bawat pagkakataon, kailangan kong maging mahinahon, at laging balikan kung para saan natin ginagawa ang lahat ng ating pagsisikap,” patuloy ng Punong Ehekutibo.

Umaasa rin si Aquino na hindi na maulit ang mga kamaliang nangyari at hinimok ang mga kabataan na tumulong para sa ikabubuti ng bansa.

“Ito nga ang tangi nating hangad: Ang hindi na maulit pa ang kamalian ng nakaraan, at maipamana sa susunod na salinlahi ang di-hamak na mas maunlad at magandang Pilipinas kaysa ating dinatnan,” he said. — FRJ, GMA News

LOADING CONTENT