Filtered by: Topstories
News

2 piloto ng PAF, nasawi sa plane crash habang idinadaos ang exhibition flight sa Batangas


Dalawang piloto ng Philippine Air Force ang nasawi nang bumagsak sa dagat ang isang eroplano na bahagi ng isang exhibition flight sa Nasugbu, Batangas nitong Sabado ng umaga.

Sa ulat ng dzBB radio, ang bumagsak na eroplano ay kasama umano sa tatlong eroplano na nagsasagawa ng exhibition flight, na bahagi naman ng selebrasyon ng 70th liberation day ng Nasugbu, Batangas.

Ayon kay Air Force spokesman Lt. Col. Ernesto Canaya, ang bumagsak na eroplano ay ginagamit sa pagsasanay o trainer aircraft (SF-260FH Nr 1034).

Batay sa nakalap na paunang impormasyon, sinabi ni Canaya na lumipad ang eroplano mula sa Fernando Air Base sa Lipa City dakong 9:07 a.m., para sumama sa 3-aircraft formation training mission. 

Bumagsak ang eroplano sa dagat, 300 metro mula sa baybayin ng Barangay Bucana ng Nasugbu.

Isang helicopters sa Villamor Air Base ang kaagad umanong ipinadala sa lugar para tumulong sa recovery operations. Patay na umano ang dalawang piloto nang makuha sa crash site at inilipad ang kanilang mga labi sa Villamor Air Base.

Hindi na muna ibigay ni Canaya ang pangalan ng mga nasawi hanggat hindi pa nasasabihan ang kanilang pamilya sa nangyaring sakuna. — FRJ GMA News

Tags: planecrash
LOADING CONTENT