Dating barangay ang munisipalidad ng Mamasapano sa Maguindanao
Bukambibig ngayon ng marami ang "Mamasapano," ang munisipalidad sa Maguindanao na pinangyarihan ng madugong engkuwentro kung saan 44 na kasapi ng Special Action Force ng Philippine National Police ang nasawi. Alam ba ninyo na ang lugar na ito ay isang dating barangay?
Taong 1997 nang aprubahan ang Regional Legislative Assembly ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang Muslim Mindanao Autonomy Act No. 54, upang gawing munisipalidad ang Mamasapano, na dating barangay ng munisipalidad ng Shariff Aguak.
Nakapaloob din sa inaprubahang batas ng RLA ang pag-alis sa ilan pang barangay sa Shariff Aguak upang ipasailalim sa bagong munisipalidad ng Mamasapano.
Sa 2010 Census ng National Statistics Office, nakasaad ang Mamasapano bilang isang 5th Class municipality, na may mahigit 22,000 populasyon. Binubuo ito ng 14 na barangay -- ang Bagumbong, Daladap, Dabenayan, Dasikil, Liab, Libutan, Lusay, Mamasapano (Poblacion), Manongkaling, Pidsandawan, Pimbalakan, Sapakan, Tuka, at ang Tukanalipao, kung saan naganap ang madugong labanan. -- FRJ, GMA News