Filtered By: Topstories
News

Opisyal ng PNP, sinibak dahil sa naantalang 'food allowance' ng mga pulis sa papal visit


Sinibak sa puwesto ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na naatasang mamahala sa pamamahagi ng pagkain sa may 20,000 pulis na itinalagang magbantay sa seguridad ng bumisitang si Pope Francis.
 
Kinilala ni PNP spokesman C/Supt. Wilben Mayor, ang opisyal na inalis sa puwesto na si Supt. Evangeline Martos mula sa Police Security and Protection Group (PSPG).

Si Martos ang namahala sa pagkakaloob ng "food allowance" sa mga pulis na itinalagang magbigay ng dagdag na seguridad sa pagbisita ng Santo Papa.
 
Napag-alaman na  P2,400 ang nakalaang meal allowance sa mga pulis para sa nabanggit na okasyon pero P700 lang ang kanilang unang natanggap.
 
Paliwanag umano ng PSPG, makukuha ng mga pulis ang balanse pagkatapos ng okasyon at natiyak na nandoon nga sila sa kanilang puwesto.
 
Nauna nang inamin ni Martos ang pagkukulang at ipinaliwanag na sadyang mahirap magpondo dahil sa napakalaking okasyon ng pagbisita ng Santo Papa.

Ayon kay Mayor, isasailalim si Martos sa pre-charge evaluation ng Directorate for Investigation and Detective Management.
 
Ipinaliwanag din niya na hindi dapat "individual" at hindi rin "food allowance" ang pondo kung hindi “food provisions” sa buong puwersa ng pulis na kasamang nagbantay sa pope visit.

“It was not supposed to be given out as cash to police personnel, but was supposed to be allotted as provisions for food for the troops,” paliwanag ni Mayor.

Pero dahil sa pagbabago umano ng pagtatalaga sa lugar ng mga pulis, may ibang unit commander ang nagpasyang ibigay na lamang na "cash" sa bawat pulis.

Iniutos na ni Interior Secretary Mar Roxas na imbestigahan ang naturang insidente. — FRJ, GMA News