Filtered by: Topstories
News

Pilipinas, pangsiyam sa mga bansang may matinding problema sa trapiko


Kabilang ang Pilipinas sa mga nangungunang bansa na may malaking problema sa mabigat na daloy ng trapiko, batay sa pag-aaral na ginawa ng isang research firm na nakabase sa Serbia.

Sa 2015 Traffic Index ng Numbeo, isang multi-national research firm, nakasaad na pangsiyam ang Pilipinas sa 88 bansa na may matinding problema sa trapiko.

Ayon sa Numbeo, ang datos nila ay batay sa overall commuting time, commuting public's dissatisfaction, traffic inefficiencies at carbon dioxide emissions.

Sa kanilang pag-aaral, lumitaw na kakain ng 45.50 minuto ang isang pasahero o motorista sa Pilipinas bago nito marating ang kaniyang destinasyon sa may distansiyang 12-kilometro.

Sa listahan ng mga bansa na may pinakamatinding trapiko, nanguna ang Kenya, na sinundan ng Egypt, Bangladesh, Bolivia, Nigeria, Jordan, Iran, South Africa, Pilipinas at Thailand.

Lumilitaw naman mas mabuti ang lagay ng trapiko sa mga bansang Turkmenistan, Austria, Bosnia, Herzegovina, Estonia at Cyprus.

Kapag lungsod ang usapan

Samantala, pagdating sa city category, pang-12 ang Manila sa mga lungsod sa mundo na may malaking problema sa daloy ng trapiko, ayon sa Numbeo.

Gumugugol ang isang pasahero o motorista sa Manila ng 53.82 minuto para makarating sa kaniyang destinasyon na may layong 12 kilometro.

Sa listahan ng mga lungsod na matindi ang bigat ng trapiko, nanguna ang Mumbai sa India, na sinundan ng Nairobi (Kenya), Pune (India), Cairo (Egypt), Kolkata (India), Miami (Florida, USA), Tehran (Iran), Recife (Brazil), Pretoria (South Africa), Denver (Colorado, USA) at Jakarta (Indonesia).

Nang hingan ng reaksiyon, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino na dapat tingnan din ang positibong aspekto ng pag-aaral ng Numbeo.

Binigyan-diin ng opisyal ang indikasyon ng pag-unlad umano ng ekonomiya at pati na ang populasyon.

Gayunman, sinabi ni Tolentino na ang pag-aaral ng Numbeo ay patunay na kailangan ding magkaroon ng epektibong transport system sa bansa at decentralization sa Metro Manila.

“It (Numbeo report) speaks of the need for ten more MRT lines for Metro Manila. It speaks of the need to really disperse the industries in Metro Manila to other surrounding areas,” ani Tolentino sa panayam ng GMA News TV's “News To Go” nitong Huwebes. -- FRJ, GMA News