Masilayan kaya muli ng mga Pinoy si Pope Francis sa Pilipinas sa Enero 2016?
Bumalik kaya sa Pilipinas sa Enero 2016 si Pope Francis at magaya si Saint Pope John Paul II na nagawang makabisita sa bansa ng dalawang beses bilang Santo Papa.
Ito ang tanong matapos ipaalam ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na inimbitahan niya si Pope Francis na dumalo sa 51st International Eucharistic Congress sa Enero 2016 na gagawin sa Cebu.
"The Philippines will host next year, in January next year, the 51st International Eucharistic Congress. It will be held in Cebu. Again, another international event. The last Eucharistic Congress was held in Dublin in Ireland," pahayag ni Tagle sa mga mamamahayag sa news conference nitong Linggo ng gabi.
Sa ginanap na huling pagtitipon ng nabanggit na kongreso ng Simbahang Katolika noong 2012, hindi nakadalo ang noo'y Santo Papa at ngayo'y Pope Emeritus na si Benedict XVI. Gayunman, nagpadala siya ng video message.
"Now, will the Pope come again for that? We hope. The Episcopal Conference has already invited him," ani Tagle.
Si Pope Francis ang ikatlong Santo Papa na bumisita sa Pilipinas.
Una rito si Pope John Paul Vi noong 1970, habang si St Pope John Paul II ay dumalaw sa Pilipinas noong 1981 at 1995.
Sa mensaheng ibinigay ni Pope Francis noong Setyembre 2014 sa mga dadalo sa gaganaping kongreso sa 2016, inilarawan niya ito na isang pagtitipon, "to rediscover the faith as a source of Grace that brings joy and hope in personal, familial and social life."
"The 51st International Eucharistic Congress offers the opportunity to experience and comprehend the Eucharist as a transformative encounter with the Lord in his word and in his sacrifice of love, so that all may have life, and live in abundance," pahayag ng Santo Papa.
Dumating sa Pilipinas si Pope Francis nitong Huwebes at nakatakdang bumalik sa Vatican sa Roma sa Lunes ng umaga. — FRJ, GMA News