Hamon ng Santo Papa sa kabataan: Matutong makiramay sa mga naghihikahos
Hinamon ni Pope Francis nitong Linggo ang mga kabataang Filipino na matutong makiramay para sa mga nahihirapan at naghihikahos.
Sinambit niya ang hamon sa kanyang talumpati sa UST sa huling dalawang araw ng kanyang pagbisita sa Pilipinas, kung saan 25 milyon ng mahigit 100 milyong populasyon ay mahihirap.
Sa kanyang pagkisalamuha sa mga kabataang Filipino sa UST, nagpahayag ang Santo Papa ng kalungkutan para sa mga kabataang naghihirap sa buong mundo.
"The marginalized people, those left in one side, are crying. Those who are discarded are crying," ayon kay Pope Francis.
Hinamon ng Papa ang mga kabataan sa Pilipinas, kung saan sila ang pinamamalaking bahagi ng populasyon, na matutong makiisa sa mga naghihirap.
"We need to ask ourselves: Have we learned how to weep, how to cry, for somebody left to one side, for someone who has a drug problem?" ayon sa kanya.
"If you don't learn how to cry, you can't be good Christians. This is a challenge," dagdag ng Santo Papa.
Hinimok din niya ang aabot sa 1.2 bilyong Katoliko sa buong mundo na huwag masyadong matali sa materyal na mga bagay.
Tinawag ng Papa, dalawang taon na ang nakalilipas, ang kahirapan sa mundo na isang nakalulungkot na "scandal."
'Haamon sa pagmamahal'
Sa kanyang personal na mensahe, iginiit ng Santo Papa na himukin ng Simbahang Katoliko ang mga kabataan na mamuhay sa kabanalan.
Upang maisakatuparan ang mithiing ito, kinakailangan umanong tumugon ang kabataan sa hamon ng pagmamahal o “challenge of love.”
"You may ask me, how do we become saints? it is another challenge, it is the challenge of love, which is the most important subject you need to learn in the university, the most important lesson you need to learn in life," ayon kay Pope Francis.
Dagdag pa niya, "Real love is about loving and letting yourself be loved. Let yourself be loved."
Pinaalalahanan din ng Santo Papa ang kabataan, ang social media capital ng mundo, na huwag mag-isip kagaya ng isang makina o computer at iwasang isipin na alam na nila ang lahat.
Inanyayahan niya rin ang mga ito ng maging matalino sa pamamagitan ng tatlong salita: “To think. To feel. To do.”
Papel ng kababaihan
Bukod sa mga nabanggit, binigyang-diin din ni Pope Francis ang mahalagang papel na ginagampanan ng kababaihan sa lipunan, sabay ng pagpuna sa kultura ng machismo.
Aniya, “Women have much to tell us in today's society."
Dumating ang Santo Papa sa UST campus nitong Linggo, 9:24 a.m., upang makipagkita sa ilang religious leaders at sa kabataan.
Sakay ng Popemobile, umikot siya sa campus at kumaway sa madla. Bukod dito, hinalikan din niya at binasbasan ang ilang kabataan.
Kinahapunan, tutungo naman si Pope Francis sa Quirino Grandstand sa Rizal Park upang idaos ang kanyang huling misa dito sa Pilipinas.
Libo-libong tao na ang naghihintay sa nasabing lugar simula noong Sabado upang masilayan ang Santo Papa at dumalo sa idaraos niyang Misa. — Bianca Rose Dabu/LBG, GMA News