Babae, nasawi nang mabagsakan ng speaker na ginamit sa papal Mass sa Tacloban
Isang 21-anyos na babae ang nasawi matapos na mabagsakan ng speaker na ginamit sa misang pinamahalaan ni Pope Francis sa Tacloban airport nitong Sabado.
Sa panayam ng mga mamamahayag, kinumpirma ni Fr. Amadeo Alvero, Palo Archdiocese' Social Communications Director, ang insidente na nangyari matapos ang misa.
Ayon kay Alvero, bumigay ang tinutungtungan ng speaker na nakapuwesto malapit sa altar, at bumagsak sa biktima.
"Nahulog dahil sa hangin," paliwanag ng pari, at idinagdag na walang kinalaman sa aksidente ang malaking bilang ng mga dumalo sa misa.
BASAHIN: Pope Francis apologizes for shortened Leyte visit
Naging malakas din ang ulan sa Tacloban dahil sa bagyong Amang. Dahil dito, kinailangang kalselahin ang ilang aktibidad ng Santo Papa sa Leyte, at umalis ng 1:00 p.m. sa halip na ang orihinal na schedule na 5:00 p.m.
CAAP MEDIA ADVISORY: Pope Francis flight back to Manila set early due to typhoon
Pupuntahan naman umano ng pari ang hindi pa pinangalanang biktima na dinala sa pansamantalang ospital na itinayo sa airport.
"Pupuntahan ko siya ngayon sa Perpetual Succor para blessan ko," ayon kay Alvero. "We are sorry that this had to happen." -- FRJ, GMA News