Mga bilog na prutas, mabenta na sa Pangasinan
Mabenta tuwing magbabagong-taon ang mga bilog na prutas na pinaniniwalaang pampaswerte. Kaya naman sa Urdaneta city sa Pangasinan, nagsimula nang mamakyaw ang ilang mamimili.
Sa ulat ni Joanne Ponsoy ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas, sinabing dumating na sa Bagsakan Market sa Urdaneta city ang tone-toneladang prutas na dinadayo naman ng mga mamimili.
Sa puwesto ng tinderang si Beth Quezon, anim na tonelada o 6,000 kilo ng dalandan ang dumating na inangkat pa raw niya sa Nueva Ecija.
Pero kaagad ding naibebenta ang mga ito dahil sa mga namamakyaw mula sa iba't iba't karatig-bayan at lalawigan.
Si Aling Leoning Subido, dumayo sa Urdaneta city mula sa bayan ng San Manuel para mamakyaw din ng mga bilog na prutas na kaniya ring ibebenta sa kanilang lugar.
Nagsimula na ring dumating sa pamilihan ang kahon-kahong mansanas at ponkan mula China.
Sa ngayon, mataas pa rin ang presyo ng mga prutas.
Tiniyak naman na mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng market division para matiyak na walang mananamantala sa presyo ng mga produkto. -- FRJ, GMA News