'Holy-days': NCR, walang pasok sa trabaho sa Jan. 15, 16, at 19 sa pagbisita ni Pope Francis
Idineklara ng Malacañang na special non-working days sa Metro Manila ang Enero 15, 16 at 19, 2015 kaugnay ng nakatakdang pagbisita ni Pope Francis sa bansa.
Ang deklarasyon ng mga araw na walang pasok ay nakapaloob sa Proclamation No. 936, na pinirmahan ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. nitong Lunes.
Noong nakaraang buwan, sinabi ni Ochoa, bukod sa seguridad ng Santo Papa, nais din ng pamahalaan na matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Pag-aaralan umano ang pagdedeklara ng holiday sa ilang lugar habang nasa bansa ang Santo Papa para matugunan ang posibleng problema sa trapiko.
Nakatakdang dumating sa Pilipinas si Pope Francis sa Enero 15 at tatagal ng hanggang Enero 19.
Una nang sinabi ni Presidential spokesman Secretary Edwin Lacierda na inaasahan ng pamahalaan na “thousands upon thousands of Filipinos" ang dadalo sa mga aktibidad ng Santo Papa.
Kabilang sa mga aktibidad ng Santo Papa ay ang pagbisita niya sa Malacañan Palace, misa sa Manila Cathedral at salu-salo sa ilang piling pamilya na gagawin sa SM Mall of Asia Arena.
Magtutungo rin ang Santo Papa sa Leyte para magsagawa ng misa at makasalo sa hapunan ang ilang nakaligtas sa kalamidad na dulot ng bagyong "Yolanda."
Kasamang pinaghahandaan kaugnay ng pagbisita ni Pope Francis sa bansa ang pagsasaayos ng trapiko sa paligid ng Ninoy Aquino International Airport.
Basahin: MIAA: Cancel or rebook NAIA flights on Pope’s arrival, departure
Naglabas ang Manila International Airport Authority nitong Lunes ng schedule ng mga isasarang kalsada sa paligid ng paliparan sa ilang piling pagkakataon. (Basahin: Closed roads, suspended arrivals during Pope’s visit). -- FRJ, GMA News