Filtered By: Topstories
News

74-anyos na babae, patay sa sunog sa Iloilo


Nasawi ang isang 74-anyos na babae sa Tigbauan, Iloilo nang masunog ang kaniyang bahay. Mag-isa lang umano ang biktima sa bahay nang mangyari ang insidente.

Sa ulat ni Jennifer Muñeza ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas nitong Biyernes, kinilala ang nasawi na si Felly Tuante.

Mag-isa lang umano sa bahay si Tuante nang maganap ang sunog dahil nagtungo raw ang kapatid nito sa isang lamay.

Nang maapula ng mga bumbero ang apoy, nakita ang kaniyang sunog na bangkay.



Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente pero hinihinala ng mga awtoridad na maaaring napabayaang sindi ng kalan o kandila ang ugat ng sunog.

Nadamay din sa sunog ang dalawang kalapit na bahay ni Tuante.

Samantala, nagkagulo naman ang mga residente sa barangay Malipayon sa lungsod ng Iloilo nang masunog ang tatlong bahay sa lugar.

Natagalan daw ang pag-apula sa apoy ng mga bumbero dahil sa masikip na daan.

Napag-alamang nagsimula ang sunog sa bahay ni Marlito Mallorca pero inaalam pa ang pinagmulan ng apoy. -- FRJ, GMA News

Tags: fireiloilo