Filtered By: Topstories
News
KAALAMAN: Ano nga ba ang daluyong o storm surge?
Habang papalapit sa kalupaan si bagyong "Ruby" (Hagupit), marami sa ating mga kababayan -- lalo na ang mga naninirahan sa tabing-dagat -- ang posibleng nangangamba kung maaapektuhan ba sila ng pagragasa ng tubig-dagat na kung tawagin ay daluyong o storm surge.
Noong nakaraang taon, nagdulot ng matinding pinsala at kumitil ng maraming buhay sa Tacloban City ang daluyong na dinala sa kalupaan ng bagyong "Yolanda."
Ano nga ba ang daluyong?
Ang daluyong ay pag-angat ng tubig-dagat na dulot ng bagyo, na karaniwang mayroong
low air pressure.
Ang low air pressure na ito ang nagpapaangat sa tubig-dagat sa karaniwan nitong antas. Samantala, ang malakas na hangin naman na dala rin ng bagyo ang nagtutulak sa tubig patungo sa kalupaan.
Ang mas malakas na bagyo, mas malaki ang posibilidad na lumikha ng daluyong. Makadadagdag din sa epekto ng daluyong ang pagsabay ng high tide sa lugar.
Upang higit na maipakita sa publiko ng Project NOAH ang taas ng tubig na maaaring malikha ng daluyong, ginamit nilang sukatan ang tangkad ng pambansang kamao na si Manny Pacquiao na may taas na 5'6" o 1.69 metro.
Kung tataglayin ni "Ruby" ang lakas ng hangin na 200 kph, kaya nitong lumikha ng daluyong na may taas na hanggang 3-4 metro -- o mahigit dalawang patong na taas ni Pacquiao.
Ang ganitong kataas na daluyong ay maaaring katumbas din ng isang palapag na gusali na tatama sa baybayin, at raragasa sa layo na hanggang isang kilometro.
Mga lugar na maapektuhan ng daluyong
Ang epekto ng daluyong ay nakabatay sa iba't ibang kadahilanan. Kabilang na rito ang lakas ng bagyo, at ang hugis at taas ng lugar ng baybayin na sasampahan ng tubig.
Ang mga baybayin na malalim ay maaaring makaranas lang ng mababang daluyong pero may malalaking alon. Mas malayo naman ang maaaring marating ng daluyong kung ang baybayin ay dahan-dahan ang paglalim.
Upang magkaroon ng higit na tamang pagtaya sa daluyong, ang Project NOAH ng pamahalaan ay nagsagawa ng masusing mapping project upang masuri ang kalagayan ng mga baybayin sa bansa.
Maaari namang magbago ang pagtaya ng Project NOAH sa daluyong depende sa direksiyon na tinatahak ng bagyo at lakas ng hangin at bilis nito. Para malaman ang mga lugar na maaaring maapektuhan ng daluyong sa pagtama ni "Ruby," bisitahin ang bagong website ng NOAH. — CP David/FRJimenez, GMA News
More Videos
Most Popular