Filtered by: Topstories
News

Mga katutubong lumad, dagsa sa Davao City para manghingi ng pamasko sa mga tao


Muling dumagsa sa mga lansangan at establisimyento ng Davao City ang mga katutubong lumad na tila tradisyon nang nagtutungo sa lungsod tuwing panahon ng kapaskuhan para manghingi ng aginaldo sa mga tao.

Ayon sa ulat ni Sarah Hilomen Velasco ng GMA-Davao sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing dahil sa sobrang dami ng mga lumad na nasa lungsod, hindi na nagkasya ang mga ito sa isang gym na ginawang pansamantala nilang tuluyan.

Ang ibang lumad na dinatnan ng GMA News, sa gilid na ng kalsada natutulog sa Buhangin, Davao city nitong Miyerkules ng gabi.

Pagsapit ng umaga, nagkalat ang mga katutubo sa lansangan para manghingi ng aginaldo sa mga tao, o kaya naman ay sa mga establisimyento para mamasko sa mga taga-siyudad.

Tila naging tradisyon na raw ng mga katutubo ang ganitong gawain tuwing panahon ng kapaskuhan.



Ang ilang may-ari ng establisimyento sa lugar, apektado ang pagdagsa ng mga lumad dahil may mga customer daw silang ayaw nang pumunta sa kanilang lugar na may mga nanghihinging katutubo.

Hindi naman daw tutol ang local social welfare department sa ginagawa ng mga katutubo basta't nasa ligtas silang lugar.

Pinakiusapan din nila ang mga tao na tratuhin nang maayos ang mga katutubo kahit nanghihingi ang mga ito ng pamasko.

Dahil peligroso ang manghingi ng pamasko lalo na sa mga kalsada, hinihikayat ang mga katutubo na iwanan na lang sa gym ang mga batang lumad. Inaalagaan ang mga ito ng mga social worker at binibigyan sila ng educational activities.

Bagaman maayos ang seguridad sa mga lumad sa gym, problema naman ang kakulangan sa suplay ng pangunahing pangangailangan nila tulad ng pagkain at tubig. -- FRJ, GMA News

Tags: lumad, beggars
More Videos