Filtered By: Topstories
News

PBA legend Samboy Lim, nananatiling nasa ICU ng Medical City


Nananatiling nasa intensive care unit (ICU) ng Medical City hospital sa Pasig City ang tinaguriang "Skywalker" ng Philippine Basketball Association (PBA) na si Samboy Lim.

Dinala sa nabanggit na pagamutan ang dating PBA superstar nang mawalan ito ng malay habang nakikibahagi sa isang exhibition game nitong Biyernes ng gabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Sa ulat ni  JP Soriano sa GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing wala pang opisyal na medical bulletin na inilalabag ang ospital dahil na rin sa kahilingan ng pamilya ni Lim na mabigyan sila ng privacy.



Nakausap naman ng GMA News ang dati ring PBA star at kaibigan ni Lim na si Alvin Teng, at sinabing nananatiling unconscious at nasa ICU ang tinaguriang "Skywalker" ng PBA.

Kasama ni Teng na bumisita sa ospital ang kaniyang maybahay na si Susan. Subalit hindi raw nila nakita si Lim dahil ipinagbabawal pa ang mga bisita.

Basahin:  Longtime SMB coach Norman Black visiting Samboy Lim in hospital for support

Basahin: PBA legend Samboy Lim collapses during exhibition game — report

Ayon na rin sa mag-asawang Teng, sumasailalim daw sa angioplasty si Lim, subalit  ang impormasyong ito ay hindi pa kinikumpirma ng pamilya ni Lim o ng mga duktor.

Bago ang exhibition game, napag-alaman na dumalo rin si Lim sa isang pagtitipon sa pamantasan ng Letran kung saan siya nagtapos.

Si Lim ay naging bahagi ng granslam team ng San Miguel noong 1989 at kabilang sa 25 Greatest Players na kinilala sa PBA's silver anniversary noong 2000. -- FRJimenez, GMA News