Filtered By: Topstories
News

Gamot ng magkapatid na pasyente sa 1 ospital sa Cebu, napagpalit daw ng mga nurse; 1, namatay


Namatay ang isang lalaking pasyente sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu makaraang mabigyan daw ng maling gamot ng mga nurse.

Sa ulat ni Chona Carreon ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing ang gamot daw na ibinigay sa biktima ay gamot para sana sa kapatid nitong naka-confine din sa naturang ospital.

Sinisisi ng mga kaanak ng dalawang pasyenteng magkapatid ang medical personnel ng pagamutan dahil sa nangyari.
 
Dahil daw sa pagkakamali, nakaranas ng komplikasyon ang pasyenteng si Gregorio Vega Jr., at binawian ng buhay nitong araw ng linggo.

Ayon sa pamilya ni Gregorio, posibleng ang gamot ng kapatid nitong pasyente rin na si Alex na may diabetes ang napunta sa nasawing biktima na mayroong stroke.



Naghinala raw sila nang makita nilang nahalo sa mga resulta ng lab test kay Gregorio ang doppler result na para sana sa kapatid nitong si Alex.

Ikinabigla ng kaniyang mga kaanak ang sinapit ni Gregorio lalo pa't bumubuti na daw ang kalagayan nito.

Sakabila nito, wala pa raw sa plano ngayon ng mga kaanak na sampahan ng reklamo ang naturang ospital.

Tumangging humarap sa camera ang pamunuan ng VSMMC.

Pero sa isang panayam, sinabi nilang dapat magsampa ng pormal na reklamo ang mga kaanak ng nasawing pasyente para makagawa agad ng hakbang ang pamunuan ng ospital.

Ang Department of Health Region-7, maghihintay rin daw muna ng pormal na reklamo bago mag-imbestiga. -- FRJ, GMA News