Filtered by: Topstories
News

Napalitang alkalde ng Paniqui, Tarlac, 'di pa rin umaalis ng munisipyo


Patuloy na naninindigan ang napalitang alkalde ng Paniqui, Tarlac na si Miguel Cojuangco Rivilla, na hindi siya aalis ng munisipyo.

Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon, sinabing nananatili rin ang barikada ng kaniyang mga tagasuporta na nagsagawa ng prayer vigil at ilang pagtatanghal sa harap ng munisipyo.

Hindi naman umalis ang mga pulis na nakabantay sa pintuan ng munisipyo.

Samantala, ang mga tagasuporta ng bagong alkalde na si Rommel David ay nananatili naman sa bahay nito.



Si David ang idineklera ng korte na bagong alkalde ng Paniqui.  Nangyari ito matapos madiskubreng invalid ang mahigit 80 porsiyento ng boto kay Rivilla noong nakaraang eleksyon.

Hiniling na ni Rivilla sa Commission on Elections na huwag kilalanin ang desisyon ng korte.

Hindi raw siya aalis ng munisipyo hangga't walang desisyon na ipinapalabas ang Comelec.

Dahil sa dalawa ang lumilitaw na alkalde ng munisipalidad, paralisado ang operasyon ng ilang opisina ng munisipyo. -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT