Filtered By: Topstories
News

Mga Pinoy, nasisilaw pa rin sa murang presyo ng piniratang pelikula -- Tolentino


Bunga ng muling pagtaas ng bilang ng mga insidente ng pamimirata ng mga pelikulang Pilipino at banyaga sa bansa, nagsagawa ng Anti-Film Piracy Convention Workshop ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Martes para talakayin ang mga hakbang na magpapaigting sa kampanya laban film piracy.
 
Katuwang ng MMDA sa pag-organisa ng nasabing workshop na ginawa sa Bonifacio Global City, Taguig ang Movie Picture Anti-Film Piracy Council of the Philippines (MPAFPC), Philippine National Police (PNP) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kasama ang iba't ibang stakeholders sa industriya ng pelikula. 
 
Layon ng nasabing workshop na pagsama-samahin ang mga stakeholders ng industriya upang magtulungan sa pagpapatibay ng paninindigan ng bansa sa pagsugpo ng pamimirata ng mga pelikula sa pamamagitan ng pagbibigay-linaw sa batas na sumasaklaw dito.
 
“We want to ensure that everyone is on the same page in implementing the law, and that everyone has a clear understanding of the execution of their duties in bringing offenders to justice,” ayon kay Atty. Jojo Alonso, legal counsel ng MPAFPC. 
 
Dagdag naman ni MMDA chairman Francis Tolentino, pinuno rin ng taunang Metro Manila Film Festival (MMFF), maraming Pilipino ang nasisilaw sa murang presyo ng mga piniratang pelikula.
 
“Film piracy is more [dangerous] because it hides under the guise of doing something good-- making films affordable and highly accessible,” pahayag ng opisyal.
 
Gayunpaman, sinabi ni Tolentino, na ang pamimirata ay isang uri ng pagnanakaw sa industriya ng pelikula at inaagaw nito ang kita ng mga pelikula dito sa bansa at maging sa abroad.
 
“Many Filipinos are still unaware that illegal camcording is a form of theft. When film pirates make illegal copies of an original work, they deprive the artists of their hard-earned revenues. This could cripple the Filipino filmmaking  industry, and stifle local producers from creating home-grown movies that we all love and enjoy,” paliwanag niya. 

Basahin: Movie industry hails Arroyo on Anti-Camcording Law

Ayon sa MPAFPC, PNP, at MMDA, malaki ang naging pagbaba sa kaso ng pamimirata simula 2010, nang maisabatas ang Republic Act10088, o ang Anti-Camcording Act na nagpapataw ng parusa sa mga nagbi-video o palihim na kumukuha ng mga ipinapalabas na pelikula. 
 
Gayunman, sinabi ni CIDG Director Benjamin Magalong, na tila muling bumabalik ang kultura ng pamimirata sa bansa nitong nakalipas na mga taon.
 
Base sa tala ng MPAFPC, mayroong 44 pag-aresto na naisagawa sa illegal camcroder noong 2012, Bumaba ito sa 16 na pag-aresto noong nakaraang taon, at umakyat sa 27 kaso simula Enero hanggang Setyembre ngayong 2014.
 
Sa ilalim ng RA 10088, ang mga mapapatunayang namimirata ng mga pelikula ay maaaring makulong ng anim na buwan at isang araw, hanggang anim na taon at isang araw. May parusa rin itong multa na P50,000 hanggang P750,000.
 
“By conducting this workshop, we believe that issues can be resolved and that industry stakeholders can make the Anti-Camcording Law a more effective deterrent against movie piracy,” ayon kay Alonso.
 
Bukod sa pagtalakay sa naturang batas, inilunsad din sa programa ang bagong video mula sa MPAFPC na naglalayong ipakita ang kahalagahan ng paglaban sa pamimirata ng mga pelikula.
 
Tampok sa video nasi Derek Ramsay, at Gawad Urian awardees na sina Christopher King at Gabby dela Merced. Mapapanood ang nasabing trailer sa mga sinehan simula sa susunod na buwan.
 
Hinihikayat din ng MPAFPC ang mga Pilipino na makibahagi sa pagpapatupad ng Anti-Camcording Law sa pamamagitan ng pagsusumbong sa mga insidente ng illegal camcording sa mga sinehan, at sa pag-iwas na bumili ng mga piniratang pelikula sa discs o ang iligal na pag-download sa internet.
 
 
“We are serious in enforcing the Anti-Camording Law and apprehending offenders. We will work more closely with all the industry stakeholders to ensure that these offenders are brought to justice,” ani Magalong. -- BRDabu/FRJ, GMA News