Filtered By: Topstories
News

Suspek sa pagpatay sa ina ni Cherry Pie Picache, nagbago ng pahayag; mag-isa lang daw na ginawa ang krimen


Matapos madakip nitong Martes ng gabi, nagbago ng pahayag ang pangunahing suspek sa pagpatay sa ina ng aktres na si Cherry Pie Pichache. Ayon kay Michael Flores, mag-isa lang niyang ginawa ang krimen taliwas sa nauna nitong sinabi na may dalawa pa siyang kasama at hindi siya ang pumaslang sa biktima.

Nitong Huwebes, sinampahan ng reklamong robbery homicide at qualified trespass si Flores at dalawa pang suspek na tinukoy nito na kasama niyang pumasok sa bahay ng biktimang si Zenaida Sison, 75-anyos.

Sa sinumpaang salaysay ni Flores na ginawa niya sa Integrated Bar of the Philippines sa Quezon City, sinabi nito na mag-isa lang niyang ginawa ang karumal-dumal na krimen na naganap sa bahay ni Sison.

Nang tanungin kung bakit niya nasabi sa simula na mayroon siyang kasama sa krimen, paliwanag ni Flores, "Ginaya ko lang po ang napanood ko sa TV, at doon ako nagkaroon ng idea."

Nang madakip ng mga pulis sa Laguna nitong Martes ng gabi, sinabi ni Flores na tumulong lang siya na makapasok ang dalawa niyang kasama sa bahay ni Sison na mag-isa lang nakatira sa bahay nito sa Quezon City noong Setyembre 24.

Basahin: Cherry Pie Picache, natuwa sa pagkakaaresto sa suspek sa pagpatay sa kanyang ina

Nagsisilbing tagalinis ng bahay si Flores kaya kabisado nito ang tahanan ng biktima.

Iginiit ng suspek na hindi siya ang pumatay sa biktima pero hindi rin niya masabi kung sino sa dalawang kasamahan ang pumaslang kay Sison na nagtamo ng mga saksak sa katawan.

Inamin din ni Flores na nakagamit siya ng iligal na droga nang mangyari ang krimen.

Basahin: Suspek sa pagpatay sa ina ni Cherry Pie Picache, umaming naka-droga nang mangyari ang krimen

Sa sinumpaang salaysay ni Flores sa IBP, sinabi nito na tinangay niya ang cellular phone, pera , at mga alahas sa bahay ng biktima.
 
"Nagastos ko na yung ibang pera na nakuha ko at naibenta ko na 'yung ibang alahas," pag-amin nito.
 
"Bandang alas-9 ng umaga, petsa September 18, 2014, may nagpabili po sa akin ng shabu sa Culiat. At doon po ay gumamit ako ng shabu. At yung binili ko po na shabu ay hinatid ko na po sa Barangay Paligsahan sa may 7-11 at ibinigay ko kay Kuya Ali," nakasaad din sa salaysay ng suspek.
 
1 pang suspek, sumuko sa NBI

Samantala, sumuko naman sa National Bureau of Investigation ang isa pang suspek sa pagpatay kay Sison upang itanggi ang paratang laban sa kaniya.

Sa ulat ng dzBB radio nitong Huwebes, iginiit ni Sherwin Ledesma na nagtungo siya sa tanggapan ng NBI para linisin ang kaniyang pangalan.

Bagaman kilala umano niya si Flores, sinabi ni Ledesma na wala siyang kinalaman sa pagpatay kay Sison.

Nagalit at nagulat umano siya nang idawit sa krimen.

Batay sa hiwalay na imbestigasyon na isinasagawa ng NBI, sinasabing may kasama si Flores nang gawin ang krimen batay sa salaysay ng testigo.
 
"May testigo nagsasabi ito nakaplano na," ayon kay NBI special investigator Joey Ajero. —FRJ, GMA News